Martes, Mayo 24, 2011

Ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal... PART I



Dekada '80, unang taon ko sa sekondarya, nabiktima ako ng mga uring mapanlinlang. Palibhasa'y hubad pa ang aking kamalayan, ang tanging nasa isip ko lang noon ay masaya ako kapag kasama sila. Tatlo hanggang apat na taon ang agwat ng edad namin na hindi halata dahil lumaki akong sagana sa bitamina, nagmumukha silang bonzai kapag kasama ako. Maliliit ang mga sukat ngunit malawak ang mga kaalaman sa panlalamang at panlilinlang. Madalas sagot ko ang lahat at bilang kapalit mistula akong prinsesa nila, tagabitbit ng aking mga dala at nauutusan kapag meron akong kailangan. Hindi ako masaling ng mga kalabang grupo dahil handa silang ipagtanggol ako kung kinakailangan. Walang kamalay malay ang aking mga magulang, napakarami ko na palang alam. Marunong na akong magpadugo ng ulo, marunong na akong magbukas ng kotse ng iba, napakagaling ko na ring magtago ng mga alahas na nanggaling sa mga biktimang tsino na pakalat kalat sa bisinidad ng binondo. Ang dami na... ang dami dami ko ng nalalaman....


Hatinggabi... sa isang sulok ng divisoria, huminto ang isang sasakyan... pamilyar na sasakyan... sasakyang malayo pa lang ay kinatatakutan na at agad magpupulasan... "Si Soriano!" ngunit wala akong balak tumakbo sapagkat inagaw ang atensyon ko ng isang pamilyar na anino na nasa loob ng sasakyan. "Sorry ma" ang tanging nasambit ko... nakatingin lang sakin ang nanay ko, hindi nagsasalita ngunit ramdam ko lahat ang mga hinanakit niya nung mga oras na yun. Namalayan ko na lang nasa presinto dos na kami, ipinahuli ako ng pinakamamahal kong ina.


Mabilis ang mga pangyayari, kinabukasan nasa manila city jail na kami, kausap ng nanay ko si Alfredo Lim na noon ay major pa lamang at kasalukuyang warden ng piitan. Ipinagbilin ako ni major lim kay mommy erlana na kasalukuyang mayora ng female section, napakaganda niya, parang si imelda marcos. Malumanay kung magsalita ngunit malupit sa mga inmate na magkakasala at lalabag sa mga alituntuning pinaiiral niya.


Bago sa paningin ko ang lahat ng mga nakikita ko, natatakot ako sa lugar na to, bagamat walang pwedeng gumalaw sakin ay naroon ang lahat ng pagsisisi, napaluha ako, hindi ako makatulog, hindi ko makain ang pagkain na ibinibigay nila sakin, Kinabukasan dumating ang nanay ko..."ilabas mo na ko dito ma ayoko dito" habang lumuluhang sabi ko. "kasalanan mo yan at saka hindi ganon kabilis ang proseso, mabuti na rin yan para magtanda ka, mas matatahimik ang isip ko kesa naman nasa labas ka."


Magtatatlong buwan na pala ako sa lugar na to... "era may vista ka! " sigaw ng kulturera, "Uy lalaya ka na pala, magpapakabait ka ha" sabi nung isang inmate. Salamat naman lalaya na pala ako pagkatapos ng vista ko, masaya akong nagbihis at pumunta sa warden office, sa bukod na sasakyan ako sasakay, walang escort at walang posas na gaya nung ibang inmate na nasa bus na bibistahan din sa araw na yun...


Nagkamali ako sa akala ko, na inaakala rin ng lahat na paglaya ko sa araw na yun. "SUSPENDED SENTENCE" ang hatol sakin ng judge at isang buwang hard labor sa piling ng mga madre. Nagngingitngit ang kalooban ko ng mga oras na yun, nagsisimulang magrebelde ang utak ko. Ang mahal kong ina nakatingin lang sakin habang kausap ng babaeng judge. Paglabas ko ng korte, sa ibang sasakyan na ako isinakay at nakita kong tangan ng isang madre ang gamit ko na ipinabibigay daw ng mahal kong nanay. Lumingon ako sa labas ng bintana, nakatingin lang cya sakin, walang mababanaag na emosyon, tahimik lang ako at nagsimula na kaming bumiyahe patungo sa lugar ng mga madre.
Kinabukasan nagising ako sa kalembang ng kampana... 'Hoy bumangon ka na jan at mag-ayos ka na ng sarili mo, pagagalitan ka ni sister kapag mabagal kang kumilos, bilisan mo magrorosaryo tayo, ganito talaga dito sanayin mo na ang sarili mo" sabi ng aking kasama sa kwarto. 


"Hail mary full of grace, the lord is with you, Blessed are you among women and blessed is the fruit of thy womb jesus... Holy mary mother of god pray for us sinners, now and at the hour of our dead..."

4 (na) komento:

  1. true to life ba itei 'nang era?
    cant wait for the part 2..

    TumugonBurahin
  2. yaning pinag-iisipan ko pa kung ipupost ko yung kasunod na part :)

    @ sayo ka bute,
    salamat sa pagdaan at sa tanong. kulturera sa babae, kulturero naman sa lalaki. May hawak ng record ng mga inmate sa bawat selda, tagakuha ng update sa warden office kung sino ang schedule for hearing (vista) kinabukasan, secretary ng mayores. Malayang nakakaikot sa buong jail dahil sa mataas na katungkulan, iginagalang sa loob ng selda.

    TumugonBurahin
  3. Napasadahan mo na ito sa chatroll.

    Pero mas lumilinaw.

    Hindi ka ga kasama ng Ativan/atiban gang?

    :)

    TumugonBurahin

perfect : )