Biyernes, Hunyo 24, 2011

Paalam FALCON....

"Salamat FALCON sa iyong pagdaan at pag-anyayang sumabay sayo... "hindi na no" marami akong bagay na dapat isaalang-alang at mas maraming mahalagang bagay akong dapat na pagtuunan ng pansin...




Bulong ko sa ulan habang dumadaan si FALCON, kasabay ng panalanging wag sanang matumba ang antenna ng broadband ko sa sobrang lakas ng hanging iwinawasiwas ng palalong bagyo... Awa ng diyos, hindi nawala ang connection ko, tuloy sa pagtipa kasabay ng pagbuga ng usok mula sa sigarilyong hawak ko.


Wala na ang malakas na hangin... mahinang ulan na lamang na tila isang hikbi mula sa pusong pagod na sa pagtangis. Isang pusong ang tanging hangad lamang naman ay magmahal ng walang hinihinging kapalit. Isang pusong nagdaramdam kapag nasasaktan, isang pusong nagpapahalaga lamang sa bawat nakapaligid sa kanya. Bakit nga ba may mga nilalang na kapos sa pang-unawa ngunit sagana sa diskriminasyon at pagiging makasarili, mga nilalang na sa unang tingin ay aakalain mong ginto ngunit isa lamang palang makinang na tanso.


Kailangan pa bang mag-aral muli at matuto upang maiwasto ang maling totoo? Mangmang ba ang pusong nasaktan o sadyang matalino ang pusong nananakit ng nagmamahal? Panibagong karanasan ang hatid sa akin ng dakilang ulan. Hindi lahat ng kumikinang ay ginto, hindi lahat ng ngiti ay may galak at hindi lahat ng nilalang ay may puso, mabuti pa ang saging...


At sa paglipas ng oras, tulad ng ulang umaalpas, ang hikbi ay mapapawi rin, ibabaon sa limot ang bangungot ng nakaraan,
ituloy ang tagay ng buhay na siyang tanging pumapawi ng lumbay. PAALAM FALCON....

Martes, Hunyo 21, 2011

KAIBIGAN... hanggang saan?



Kaibigan... ano nga bang klaseng kaibigan meron ka? in good times and bad times ba? dumating na ba sa puntong lahat ng sikreto mo ay alam niya na? Mapagkakatiwalaan ba siya sa lahat ng pagkakataon? Maswerte ka kung ganyan ang kaibigan mo... eh paano kung ganito?


-- nakangiti pag kaharap ka ngunit pagtalikod mo kung ano-ano pala sinasabi sa iba
-- kasama mo sa happenings, sa halakhakan, sa harutan sa asaran ngunit pagtalikod mo 
    ay ikaw na pala ang kanilang pinag-uusapan at pinagtatawanan
-- lahat ng papuri ay maririnig mo sa kanya ngunit inuuto ka lamang pala
-- sa kabila ng pagiging totoo mo ay madidiskubre mong pinaplastik ka lamang pala niya


Masakit di ba? kasi nagtiwala ka. Ang kaibigan pala parang bf din, nangangailangan ng commitment, nangangailangan ng sakripisyo, kalangan mong magtiwala, kailangan mong maniwala, mga sangkap para tumibay ang isang tunay na pagkakaibigan. May mga relasyong may sangkap ng pagkakaibigan tulad ng mag-asawa, mag-boyfriend, magkapatid, mag-ina at mag-ama, isang advantage na nagpapatibay ng friendship. May kaibigang simula pa sa pagkabata, elementary, high school at college. May kaibigan sa inuman lang. may kaibigan na kaya mo lang nasabing kaibigan ay dahil nauutangan mo. May kaibigan sa facebook lang. Iba't ibang level at aspeto ng pagkakaibigan, ano man ang meron ka dito ay pahalagahan mo sapagkat doon nagsisimula ang isang matibay na pundasyon tungo sa makabuluhang pakikipagkaibigan... Ikaw na nagbabasa nito, kilala mo ba kung sino ang kaibigan mo???

Martes, Hunyo 7, 2011

KM2: Panaghoy ng langit...

                     http://jkulisap.com/2011/06/km2-resulta/



Sa pusikit na karimlan hinaharot ng alon ang mga dikya sa dalampasigan, nagbabadya ang langit, nauulinigan ko ang alingawngaw ng hanging habagat, sa wari'y may paparating na unos. Sa malakas na pagaspas ng manananggal sa kaparangan, animo'y dambuhalang dumadaluhong, nabulabog ang mga manggagawa ng pulot-pukyutan, mistulang mga banal na yumuyukod ang bawat madaanan, mabalasik, tumitimo sa bawat himaymay ng aking laman ang kanyang kalupitan, nakapangingilabot... 

Ano pa't nagsisimula ng managhoy ang langit, mababakas mo sa bawat halinghing ang kanyang mga adhika at pagnanasang makalaya, sindak, di mawari kung saan susuling. Kasabay ng kulog at kidlat unti-unti ko nang nararamdaman ang pag-agos ng dugo sa aking katawan, nais ko nang panawan ng ulirat... Wala na... naglaho ng lahat ang mga pangarap kasabay ng pagtakas ng isang pangako... Nagsimulang umapaw ang lawa, at sa bawat sayaw ng kaluluwang uhaw ay dumadaloy ang tubig ng buhay tungo sa yungib ng aking kamalayan... 
Ayoko na... hirap na hirap na ako... parang awa nyo na... Basang-basa na ang aking pagkatao, nais ko nang umahon sa mundong  puno ng lugami, maharlikang mapang-api. Tadtad na ng peklat ang aking kaisipan, hapong-hapo  na ang aking kuyukot sa labis na panibugho. Nakikiusap ako ibalik nyo ang aking dangal at karapatan, nais kong mamuhay at kumilos sa daigdig kung nasaan ang kapayapaan. Ikaw na mapang-alipustang mundo pakawalan mo ang mga ibon sa himpapawid, hayaang lumaya ang mga isdang gala, wag mong ikulong sa mga palad mo ang kapiranggot na hanging hinihinga ko, wag mong ipainom sa akin ang tubig na sing-itim ng dilim... nakikiusap ako... huwag...

Salamat... salamat sa dakilang pag-ibig, unti-unti mong itinutuwid ang aking landas, muling binubuo ang pira-pirasong pagkatao, isang hugot ng balaraw mula sa kaibuturan ng aking puso, napawi ang lahat ng kirot at pangamba, muling umawit ang pag-asa, sumayaw ang mga aninong nangangalumata, napawing lahat ang pagdurusa, Nulas sa labi ang mga ngiti, hatid nito'y luwalhati. Dalhin mo ako sa bahagi ng mundong ito kung nasaan ang kapanatagan upang sa pagsilay ng bukang liwayway ay aking matanaw ang pagkaway ng panibagong pag-asa... kasabay ng muling pagdaloy ng aking diwa.

Lunes, Hunyo 6, 2011

Let's go sago!

Muntik ng mapatid ang ulirat ko sa 16 na salitang kailangang isahog sa aking sanaysay, sa ayaw ko't sa gusto wala akong magagawa, bawal sumuway sa patakaran. At bilang mamamayan na sumusunod sa kasabihang "sa ikauunlad ng bayan, blog ang kailangan" ay kailangan kong gawin ito at hanapan ng puwang upang makumpleto ang aking entry. Lakas ng loob at kapal ng mukha ang puhunan ko dito, wapakels sa mga naglalakihang manunulat na karamihan sa kanila ay aking iniidolo pangalawa sa bebe ko (nakakaumay nga bebe ko :)
goodluck po sa lahat ng mga sasali, maging patas po sana tayo hindi lang bilang kalahok kundi bilang hurado na rin. Ipinagmamalaki kong isa ako sa mga lalahok sa KM2: DALOY DIWA

Sabado, Hunyo 4, 2011

Ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal... PART 3



"Dapa dapa! lagay sa ulo ang dalawang kamay! Anong nakain mo suzette at popoga ka?  Nandamay ka pa....
Nagkatinginan na lang kami ni suzette, walang imik na tumayo at naglakad papuntang admin office."Makakarating ito sa mga magulang mo era at isang buwan kang hindi makakatanggap ng dalaw." Ah leche kayo gawin nyo kung ano gusto nyong gawin! Dinala kami sa bartolina at in fairness, taliwas sa inaasahan ko ang bartolina sa kumbento, malinis, tahimik, presko at higit sa lahat walang task, kain tulog lang sa loob ng isang buwan, kapag sinuswerte ka nga naman.... 


Pero wala pang isang linggo inilabas kami at muling dinala sa admin  office, andun ang nanay ko at naroon din ang lola at daddy ni suzette na isang sikat na jockey sa sta. ana nung mga panahong yun. Kastilaloy pala ang lahi ni suzette kaya pala iba itsura niya. Paglabas namin ng office diretso na kami sa dating cottage, back to normal, tanungan ang mga kasamahan namin sa room."Ano nangyari bakit pinalabas agad kayo? Hindi rin namin alam ang dahilan...


Mga ilang araw pa ang lumipas release na si suzette, pumarada ang kotse nila sa harap ng cottage, lumabas si suzette at may kinuha sa kotse, mga pagkaing masasarap, ibinigay niya sakin lahat pati mga stock niya sa locker, ako na rin ang umokupa sa dating locker niya. Bago tuluyang umalis bumulong cya sakin "magkita tayo sa laya era, wag ka na tumakas, tapusin mo pag-aaral mo dito" iyakan kami ng konti at hanggang makalabas ng gate ay nakasilip cya sa bintana ng kotse at kumakaway sa amin. 


Lumaya na ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal...


Nag-focus ako sa pag-aaral at sa ibang mga activities sa loob ng kumbento. Hanggang sa dumating ang araw ng pagtatapos ko sa sekondarya, at nung araw ding yun mismo ay nai-release ako at kasama na sa pag-uwi ng nanay ko, Pakiramdam ko bagong tao na ako nung mga oras na yun hanggang sa makarating kami sa bahay, may konting handa kaming pinagsaluhan at ayon sa nanay ko matagal na palang gawa ang release paper ko, hinintay lang niya ang graduation day ko.


Nag-enroll ako sa PCCR at sa paglipas ng mga araw, sa kahabaan ng carriedo ay muling nagtagpo ang landas namin ng aking kaibigang prinsesa.... Ngunit panibagong kabanata na po yun... saka na... pagkatapos ng patimpalak ni kulisap :)

Huwebes, Hunyo 2, 2011

Ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal... PART 2

Tangna nakakahilo, pagkagising rosaryo agad, di man lang  muna kami pinagkape...hayyy salamat natapos din ang ika-limang misteryo, diretso na sa kitchen, bawal umupo agad, kailangan mo munang maghugas ng kamay. Magdadasal na naman... peste! ako pa naatasang mag-lead sa dasal eh anong malay ko naman. Hindi raw kami pwedeng kumain hangga't di nagdarasal, masama na ang tingin sakin ng mga kasamahan ko dahil sila man ay hilo na rin siguro sa gutom. "Panginoon maraming salamat po sa almusal, amen." Hagikgikan ang mga kasamahan ko. "Ikaw uli ang magli-lead mamaya at hindi ganyan ang tamang pagdarasal, dapat ay taimtim at taos sa puso ang iyong pasasalamat." Bahala ka sa buhay mo, wala ako panahon sa litanya mo...May mga nakatoka sa house keeping, wala pa akong assignment, salamat naman, matutulog uli ako. Ngunit hindi pala dapat ganon...


"Era kumuha ka ng piko sa bodega at sisimulan mo ngayong araw na ito ang iyong hard labor, isang buwan kang gagawa ng balon." Tangina talagaaa...buti pa sa city jail masarap ang buhay ko, di tulad dito de numero lahat ng kilos ko, ultimo pag-gamit ng cr may oras. Hindi ko kaya... kailangan makagawa ako ng paraan. Alas nuebe ng gabi nasa kwarto na ang lahat, patay ng lahat ang mga ilaw, ang bombilyang nasa poste sa labas ang tanging nagbibigay ng liwanag sa kwartong apat kaming umoukupa. Di ko alam kung tulog na yung dalawa o nakikiramdam. Gising pa si suzette, "yosi gusto mo?" pabulong... kumuha ako ng isa at nagsindi, nag-usap kami sa pamamagitan ng bulungan at senyasan at nung gabing yun, nabuo ang isang pagkakaibigan. Dalawang taon na si suzette sa lugar na yun, pinagkakatiwalaan ng magbigay ng task sa mga inmate. Maganda cya, maamo ang mukha, blondie ang buhok, maganda ang kutis maliban sa braso na puro peklat na bunga ng paglalaslas. Kinabukasan ganon na naman, sa araw araw na ginawa ng diyos ganon lagi ang routine namin na nakasanayan ko na rin. At sa pamamagitan ni suzette, nairerekomenda niya ako sa mga magagaang ngunit mahahalagang gawain, natapos ko na rin ang hard labor ko at nakakakilos na ako ng maayos. Tuwing linggo may dumarating na charismatic group upang magturo ng piano, guitar at mga kantang inaawit kapag may misa, doon ko na rin itinuloy ang pag-aaral ko kapalit ng donasyon na ibinibigay ng magulang ko. Nalibang ako at naging aktibo, wala akong pinalalampas na event, singing contest, dance contest at sport tournament, lahat yan sinalihan ko, itinatabi ko ang mga premyo at award na natatanggap ko at ipinapadala ko sa nanay ko sa tuwing dinadalaw ako. 


Bagamat nalilibang ako ay di pa rin mawala sa isip ko ang kagustuhang makalabas at muling malanghap ang hangin sa laya. Nababasa pala ni suzette ang nasa isip ko... pareho pala kami lagi ng iniisip... 


Natoka kaming gumawa ng pandesal para sa agahan kinabukasan, pareho kaming naka-rubber shoes nung gabing yun, nakahanda sa habulang magaganap kung sakali man. Ala-una na ng madaling araw, tapos na kaming magmasa, naghihilik na rin si sister anette sa upuan niya. Sumenyas si suzette, dahan dahan kaming lumabas sa store room, binaybay namin ang pathwalk papunta sa main gate... Madilim ang paligid, maliksing kumilos si suzette, malapit na kami sa gate, konti na lang... BANG!