Martes, Hunyo 7, 2011

KM2: Panaghoy ng langit...

                     http://jkulisap.com/2011/06/km2-resulta/



Sa pusikit na karimlan hinaharot ng alon ang mga dikya sa dalampasigan, nagbabadya ang langit, nauulinigan ko ang alingawngaw ng hanging habagat, sa wari'y may paparating na unos. Sa malakas na pagaspas ng manananggal sa kaparangan, animo'y dambuhalang dumadaluhong, nabulabog ang mga manggagawa ng pulot-pukyutan, mistulang mga banal na yumuyukod ang bawat madaanan, mabalasik, tumitimo sa bawat himaymay ng aking laman ang kanyang kalupitan, nakapangingilabot... 

Ano pa't nagsisimula ng managhoy ang langit, mababakas mo sa bawat halinghing ang kanyang mga adhika at pagnanasang makalaya, sindak, di mawari kung saan susuling. Kasabay ng kulog at kidlat unti-unti ko nang nararamdaman ang pag-agos ng dugo sa aking katawan, nais ko nang panawan ng ulirat... Wala na... naglaho ng lahat ang mga pangarap kasabay ng pagtakas ng isang pangako... Nagsimulang umapaw ang lawa, at sa bawat sayaw ng kaluluwang uhaw ay dumadaloy ang tubig ng buhay tungo sa yungib ng aking kamalayan... 
Ayoko na... hirap na hirap na ako... parang awa nyo na... Basang-basa na ang aking pagkatao, nais ko nang umahon sa mundong  puno ng lugami, maharlikang mapang-api. Tadtad na ng peklat ang aking kaisipan, hapong-hapo  na ang aking kuyukot sa labis na panibugho. Nakikiusap ako ibalik nyo ang aking dangal at karapatan, nais kong mamuhay at kumilos sa daigdig kung nasaan ang kapayapaan. Ikaw na mapang-alipustang mundo pakawalan mo ang mga ibon sa himpapawid, hayaang lumaya ang mga isdang gala, wag mong ikulong sa mga palad mo ang kapiranggot na hanging hinihinga ko, wag mong ipainom sa akin ang tubig na sing-itim ng dilim... nakikiusap ako... huwag...

Salamat... salamat sa dakilang pag-ibig, unti-unti mong itinutuwid ang aking landas, muling binubuo ang pira-pirasong pagkatao, isang hugot ng balaraw mula sa kaibuturan ng aking puso, napawi ang lahat ng kirot at pangamba, muling umawit ang pag-asa, sumayaw ang mga aninong nangangalumata, napawing lahat ang pagdurusa, Nulas sa labi ang mga ngiti, hatid nito'y luwalhati. Dalhin mo ako sa bahagi ng mundong ito kung nasaan ang kapanatagan upang sa pagsilay ng bukang liwayway ay aking matanaw ang pagkaway ng panibagong pag-asa... kasabay ng muling pagdaloy ng aking diwa.

27 komento:

  1. Era napakahusay! Naluluha ako habang pauli-ulit na dinidilaan ng aking mga mata ang bawat pagbaybay ng mga salita. Sinasabayan pa ito ng isang napakagandang awitin mula sa hinahangaang banda

    TumugonBurahin
  2. Rumoronda para sa KM2
    Napakagandang lahok, Mam Era!
    Isa sa natutunan ko sa buhay at sa Missions Course ko ay "Always Give Hope" nakita ko iyon sa iyong akda. Sa kalaunan, sa laban at lakarin ng buhay ay may pag-asang kakaway sa pintuan o bukana ng bintana! Mabuhay po kayo Mam Era.

    Be blessed!

    TumugonBurahin
  3. magaling! malupit! may backgroung music pa... :D

    TumugonBurahin
  4. asus ang mga kagandahang lalaki ng blogsperyo, salamat po sa pagdaan ninyong tatlo joey, pongkie at kuya mao :)

    TumugonBurahin
  5. napakahusay naman. bigla akong nahiya sa aking pangkomedyang akda. magaling era.

    TumugonBurahin
  6. Naalis ng may-ari ang komentong ito.

    TumugonBurahin
  7. hindi ko man naririnig ang background music, nadala pa rin ako dahil sa husay mo sa paggamit ng mga salita.

    Iyong naipakita na kahit ano pang unos o pasakit ang ating nararamdaman, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Na laging mayroong liwanag sa nangangain na dilim :) Salamat sa akda mong ito.

    TumugonBurahin
  8. ...napakagnda, isang pagpapatunay na pagkatapos ng unos liwanag ay sisilay. Mga mabibigat na ulap gagaan kung magtitiwala sa sariling kakayahan...

    TumugonBurahin
  9. salamat po... hindi lang kayo bumisita at nagbasa, nag-iwan pa kayo ng magagandang komento, yun lang po ay isa ng malaking karangalan para sa isang baguhan na gaya ko. maraming salamat ;)

    TumugonBurahin
  10. taga subaybay ako at taga suporta ng KM2.

    salamat po sa isang makabuluhang lahok.

    pinahanga ako ng iyong akda. ang pag-amin ng kahinaan, ng sariling agam-agam at takot.saka ang pag-ahon sa lahat dahil sa pag-ibig at pag-asa.

    malayang kamalayan nga ito. malayang-malaya...

    TumugonBurahin
  11. @taribong salamat sa papuri, taas ang dalawang kamay ko sayo :)



    @Duking, hari ng blogsperyo...
    mula sa pusong pasasalamat sir ;)

    TumugonBurahin
  12. "Tadtad na ng peklat ang aking kaisipan, hapong-hapo na ang aking kuyukot sa labis na panibugho. Nakikiusap ako ibalik nyo ang aking dangal at karapatan, nais kong mamuhay at kumilos sa daigdig kung nasaan ang kapayapaan."

    Napakamakabayan ng kathang ito ah. Sapul na sapul lang ang gustong sabihin. Sabayan pa ng makabagbagdamdaming awitin.

    TumugonBurahin
  13. bravo!...napakarikit ng pgalalahad mo ng katotohanan ng buhay...tunay na hindi dapat igupo ng kalupitan ng mundo...panahon na upang bumuo ulit ng pangarap at magpatuloy sa magandang buhay. Mabuhay ka Era Carpio...Good lUck!

    TumugonBurahin
  14. napakaganda, napakalalim ngunit punong puno ng pag asa...

    TumugonBurahin
  15. Maraming salamat sa pakikilahok sa Kamalayang Malaya 2.

    Ito po ay Kalahok Bilang 1.

    1 KM2: PANAGHOY NG LANGIT
    Eratika Caloocan

    TumugonBurahin
  16. ano mang unos ang ating harapin sa huli't huli lagi pa din may pag asa...galing naman po!!!

    TumugonBurahin
  17. isang malalim na sanaysayin na kaibuturan ng puso ay tumataimtim.. bravo!

    TumugonBurahin
  18. era.. patuloy mong gamitin ang angking talino sa paglalahad ng magagandang diwa...

    matalino ang pagkakahabi ng gawa, lalo pa at nilapatan ng magandang kanta...

    TumugonBurahin
  19. dumaan, nagbasa at nagbigy ng puntos.

    malalim at mahusay.

    goodluck and 'cograts.

    TumugonBurahin
  20. malalim ang bawat salitang binitawan.. makamandag.. at makahulugan... congrast... napadaan lang at nagbasa.. at nagbigay narin ng puntos......

    tandaan.. ang bawat unus ay my katapusan, ang bawat sandali at oras ay dumadaan... minsan kasabay nito ang ating nararamdaman... ang pag-big ay makapangyarihan... kaya nito baguhin ang isang katauhan..

    pwe... tama na nga.. at mukhang hidni bagay sa akin... eheheh...

    TumugonBurahin
  21. ang galing ng pagkakabuo. bilib ako sa tauhang binuo mo sa akda. hindi nawala yung pag-asa.

    TumugonBurahin
  22. Magandang araw! May isa lamang akong napunang maling gamit ng salita - ang salitang nulas ay nangangahulugang nagmula mismo sa bibig o salitang lumabas sa digdig. Ang ngiti ay hindi "nanunulas" sa labi, kundi "gumuguhit." Gayuman,maganda ang akda. Mabuhay ka!

    TumugonBurahin
  23. Mam kayedee, pablocuaderno, palomah, iya_khin, jed pogi, lipadlaya, balentong at musingan, salamat sa inyong mga komento kaibigan :)

    Fati salamat sa suporta klasmeyt :)


    Sir noel salamat po sa komento, may natutunan po ako ;)

    TumugonBurahin
  24. Mahusay. Malalim ang pakahulugan. Sa aking pananaw hindi lamang personal na aspeto ang tinutukoy dito, maaari kung iugnay sa pangkalahatang kaganapan lalo pa't nabanggit ang mga ibon sa himpapawid at ang mga isdang gala. Basta yun na yun. Magaling. Magaling. :)

    TumugonBurahin
  25. 1. Kung sino man ang sumisimbolo sa manananggal na mabalasik at kinatatakutan mo pati na rin ng iba, masasabi kong hindi ko kilala pero nag-iwan ito ng peklat sa pagkatao ng nagsasalaysay, pinupunto dito ang pang-aabuso subalit dahil sa pag-asa, nahanap niya ang kaliwanagan na siyang tatanglaw sa nakaraan at sa patutunguhan. Salamat sa dakilang pag-ibig. Muli ako’y nagpapasalamat sa iyong pakikilahok sa Kamalayang Malaya 2: Daloy Diwa.

    TumugonBurahin

perfect : )