Biyernes, Hulyo 22, 2011

Wala ka pala eh...

Wala kang maririnig 
sa talsik ng laway na tumatakas sa bibig
kung ibig mo talaga akong pakinggan 
bunganga mo'y iyong takpan
Wala kang makikita 
sa simpleng pagsulyap sa aking mukha
kung ibig mong tumagos sa aking bungo 
liparin ang matang lawin sa aking sentido
Wala kang maaamoy 
na kabulukang sa utak mo'y dumadaloy
kung ibig mong bango ko'y masimsim 
itapon sa malayo ang ugaling mahangin
Wala kang masasabi 
ikaw na laging iniisip ay sarili
kung ibig mo talaga akong makatalik 
tuhugin ang lupa, laktawan ang halik
Wala kang matitikman, 
hindi mo ako kilala liban sa pangalan
kung ibig mong alindog ko'y malasap 
umangkas sa pawis ng mga naghihirap.


Biningi ka ng tsismis, binulag ka ng mangmang
binalinguyngoy ka ng korap,ginawa kang pipi ng sakim
Habang dila'y pinamanhid ng iyong takot sa pagbabago
magamot kaya ng pagpapatse patse ang sarili mong nagkaletse letse?


Susme! inalipin ka ng epidemya, inutil na ang lahat mong pandama!


Wala ka pala eh...



Linggo, Hulyo 17, 2011

KA-BLOG o KA-BLAG?

4 months and 2 weeks to be exact mula ng masumpungan kong magblog, testing lang nung una, curious eh syempre. Kalokohan pa unang blog ko na ibinasura ko na dahil daming tanong na bumagabag sa isip nung mga nakabasa (yun pala mas malala sila... pwe!) Tambay tambay sa chatroll ng isang partikular na blog site. "hi, hello, kamusta na, gandang umaga, eraaaaaaa" ganyan ang kadalasang eksena. TAE! hanggang dun lang pala yun...


Sa blog kung papasok kang mag-isa, lalabas ka ding mag-isa, ganun yun eh, wag ka na mag-expect, asa ka pa eh bat di ka mag-aral makipagplastikan tanga! Although ang blog ay isang outlet ng lahat ng uri ng pakiramdam, pwede kang magmura, pwede kang tumae, pwede kang dumura, pwede kang suminga, pwede kang magmahal, pwede kang magsalsal, pwede ka ring 
maging hangal, pwede kang sumigaw, pwede kang pumalahaw, pwede kang sumayaw at yun ang importante, kailangan mong sayawan ang mga tugtog nila at mahalagang marunong kang sumayaw dahil kung hindi... BLAG! sa kangkungan ka pupulutin...


Wag kang magmadali sa lahat ng aspeto, wag kang pasilaw sa dami ng comment, sa dami ng naglike, sa dami ng visitor. Step by step yan eh at bago ka makarating sa gusto mong puntahan para kang kotseng mapa-flatan, buti kung ganon lang... eh kung sumalpok ka? ligwak, laglag, diretso ka sa bangin ng sentimyento, bwenas mo pag may isa o dalawa na mag-aabot ng kamay sayo, kung meron pahalagahan mo, ingat lang baka ma-envelope ka panibagong expectation na naman yun.


Tutal naman ikaw ang hari ng site mo,gawin mo lahat ng gusto mo, tumuwad ka, magtumbling ka, mag-blog ka ng mag-blog hanggang sa mangarag ka. Dedma na lang sa mga negative reaction ng iba, sagabal sa pag-unlad yan. Dire-diretso lang, panatiliin mo lang na bukas ang isip mo, di mo naman sila kilala at di rin naman nila alam ang totoo kung ano ka at kung sino ka. Lagi mo lang tatandaan na hindi lahat ng KA-BLOG ay KA-BLAG, makakasumpong ka rin... era. 

Linggo, Hulyo 10, 2011

Kasiyahan sa rurok ng tagumpay

"TAGUMPAY" ang salitang madalas gamitin upang mailarawan ang katuparan, pero ang totoo mahirap hanapin ang tunay na kahulugan nito.


Isang kaibigan mula sa hukbong sandatahan ang aking nakakwentuhan minsan, sabi niya "Ako ay masaya sapagkat bago ako dumating sa kalagitnaan ng aking buhay ay nakapagpatayo na ako ng bahay at may matatag na hanapbuhay, bukod pa sa aking maliit na negosyo kung kaya medyo nakakaluwag kami sa buhay at higit sa lahat masaya ang aking pamilya. Para sakin ito ay isa ng malaking tagumpay." 


Wika naman nung magbobote na pumipik-ap sa tuwing may kalakal ako dito sa bahay nang tanungin ko siya kung ano para sa kanya ang tagumpay, "Mam kuntento na kami ng pamilya ko sa simpleng buhay, nakakakain kami ng tatlong beses isang araw, malulusog at nakakapag-aral ang mga anak ko at higit sa lahat masaya kami, para sakin yun ay isa ng simpleng tagumpay".


Kanya kanyang opinyon at paglalarawan ng tagumpay sa magkaibang lebel ng buhay.


Ngunit ang tagumpay ay nagpapahiwatig ng pakikibaka o pakikipagbuno laban sa iba't ibang pwersa at kapag nalampasan mo ang mga pwersang ito na humahadlang sa mithiin mo ay maaari ka na tawaging matagumpay. At para maging matagumpay, dapat pangarapin mo ang isang bagay at magsumikap para makamit ito. 


Napakaraming mukha  ng tagumpay.... 


Ang isang artista kapag nakatanggap ng best acting award, siya ay tagumpay.  


Ang isang pulis kapag nakahuli ng kriminal, siya ay tagumpay.


Ang pagtatalik na nakarating sa climax, sila ay tagumpay
( o di ba tagumpay yun? )


Ang mga writer o blogger na kahit hindi premyado ngunit mayaman sa idea, sila ay tagumpay


Magkaiba naman ang tagumpay at swerte, tulad na lamang ng mga nananalo sa lotto, sila ay maswerte...


Sa kabila ng pagsasabing para maging matagumpay ay kailangang sagana sa mga materyal na bagay ay nagkakamali sila, dahil lahat yan ay di mo naman madadala sa hukay. 


Masasabi kong hindi ako tagumpay sa pinakapayak at masalimuot na depenisyon ng salita, pero hindi ako nagugutom. Hindi man madalas ay nagagawa ko ang mga bagay na gusto kong gawin. Sapat na sa akin na nakakabili ako ng mga bagay na gusto kong bilhin , nakakabayad ako ng mga monthly bills sa takdang oras. Hindi ko naman pinangarap na yumaman na tulad ng mga Zobel at Ayala. Hindi ko rin naman maituturing na tagumpay yun. 


Para sa akin, kung sa palagay mo ay natapos mong lahat ang iyong mga gawain at responsibilidad at sa tingin mo'y handa ka ng harapin ang paglubog ng araw sa iyong buhay ng may ngiti sa labi, yun ang tunay na "TAGUMPAY"   


Huwebes, Hulyo 7, 2011

Minsan may isang saudi boy...

Kay bilis ng panahon, tatlong taon na mula ng makilala kita. Ayaw sana kita kilalanin pero makulit ka, mula ng ibinigay sayo ng kaibigan natin ang cp number ko hindi mo na ko tinantanan, kahit oras ng trabaho kapag nalingat ang amo mong arabo tatawag ka. Madalas kasarapan ng tulog ko mang-iistorbo ka, hindi mo na inisip na alas dos ng madaling araw dito habang alas diyes naman ng gabi dyan sa kinalalagyan mo. Nuknukan ka ng kulit, kahit minumura na kita ok lang sayo parang musika pa nga sa pandinig mo kapag naiinis ako tuwang tuwa ka pa. Kapag sumasapit ang biyernes maaga pa lang nasa net ka na inaabangan moko mag-online dahil nakasara cp ko, sinasadya kong wag buksan dahil nakukulitan ako sayo. Ang lakas pa ng loob mo na invite ako sa cam hindi ka naman kagwapuhan, kahit hindi ako magsuklay lagi mong sinasabi ang ganda ganda ko na tanging nanay ko lang ang nagsasabi, ngayon dalawa na kayo. Di naman kita mapatayan ng computer kasi kapapadala mo lang sakin ng package, laman ang mga paborito kong lagi mong tinatanong noon, hindi ka pa nasiyahan nag-open ka pa ng account para sakin. Hindi kita magawang iwasan dahil ang bait bait mo, na hindi ko maintindihan kung bakit mo ginagawa sakin ang mga ganong bagay eh hindi ka naman nanliligaw. Sa tuwing kausap kita ang madalas mo lang sinasabi ay "kamusta ka", "kumain ka na ba", "mag-iingat ka lagi era" hindi ko alam kung ano motibo mo. Ayoko isiping mahal moko kasi walong taon ang tanda ko sayo, kinikilabutan ako tuwing maiisip ko na may relasyon tayo. O baka naman sa isip ko lang yun, baka malisyosa lang ako masyado, baka naman ate lang ang turing mo sakin...

Tatlong araw bago magpasko dumating ka dito sa bahay namin, habang naiilang ako ikaw naman ay kampanteng magpaikot-ikot sa sala namin, hindi kita kinakausap kasi hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko sayo, nagulat kasi ako sa biglang pagdating mo. Nakipagkwentuhan ka sa nanay ko habang niluluto ko ang dala mong ulam na binili mo sa palengke bago ka nagpunta dito. Tahimik lang ako at nakikiramdam sayo, paminsan minsan sumasagot sa mga tanong mo. Nung makaluto na ako ay kumain na tayo, nakakamay ka lang na parang walang pakialam sa mundo. habang tuwang tuwa ang nanay ko sa mga kilos mo ay nag-iisip ako... ano ba talaga meron kami ng lalaking ito?

Bisperas ng pasko dumating ka uli, ang dami dami mong dala, "pang-noche buena" sabi mo. Labag sa loob kong kunin pero andito ka na at pinaiiral mo na naman ang kakulitan mo. Bago mag-alas dose umalis ka at bumalik na naman kinabukasan, ganon lang lagi, aalis at darating ka na hindi malinaw sakin kung ano meron tayo kasi parang ordinaryo lang pakikipag-usap mo sakin, walang something... December 29,2009 bumalik ka sa jeddah, dyan ka na din nagcelebrate ng new year sa piling ng mga dating kasama sa trabaho, after that, busy ka na uli hanggang minsan nabasa ko sa fb mo may nagmessage sayo, "hi daddy" eka nung message, tinanong kita sa text kung sino yun, sagot mo "ay era asawa ko yun, sorry hindi ko nasabi agad sayo...." Nawindang ako, anlabo ng putangna!!!

Miyerkules, Hulyo 6, 2011

LIBERTY

Kalayaan... yan ang palagi kong hangad sa buhay, ang magsalita ng malaya, kumilos ng malaya, mamuhay ng malaya at magmahal ng malaya. Nang walang pupuna, walang magagalit, walang tatanggi at walang magtatanong, pero imposible... Hindi ko pag-aari ang mundo, wala akong kapasidad na gawin ang lahat ng  yun, maliban na lamang sa imahinasyon o sa panaginip, doon ay malaya kong magagawa ang lahat. Mahirap mang tanggapin, mas masarap pa ring mamuhay sa reyalidad, bumagsak ka man hindi ka masyadong masasaktan sapagkat alam mo na ang iyong kahahantungan, depende na lamang yan sa pagtanggap mo at ng mga taong nakapaligid sayo... sentimyento ko lamang yan pero hindi yan ang topic ko wehehehe :p


Si Liberty po ay tao, magandang babae, may pusong mapagmahal at tulad ko ring ang hanap ay kalayaan, na kaya pinangalanang liberty ay dahil bumibertdey tuwing sasapit ang ika-12 ng hunyo. Dating kaeskwela nung uso pa ang nutribun  at katropa nung uso pa ang kending kulangot at tira-tira. Napadpad sa bansang Kuwait, namuhay ng walang kalayaan, nagmahal ng walang hangganan. Ngunit sadyang mapagtiis, pinagpala ng diyos at nabiyayaan ng yaman, dagdagan pa ng isang anak na bukod sa maganda at matalino ay mabait pa. Every year ay umuuwi sila ng pinas upang namnamin ang karapatang maging malaya. Gimik dito gimik dun, gala dito gala doon, halos libutin ang pinas kapag may pagkakataon. With matching mini skirt o kaya short na maong. kumpara sa kuwait na mistulang suman na nakabalot sa loob ng isang taon. Makikita mo sa mga mata niya ang kasiyahan, mararamdaman mo ang kalayaan, Walang pagkukunwari, walang yabang sa katawan, umulan bumagyo hindi ka iiwanan...
Sa katapusan ng buwan ay muli na naman siyang babalik sa bansang pinanggalingan, magmimistula na namang suman, de numero na naman ang kalayaan. Don't worry kaibigan habang may next year ay laging mananatili ang iyong KALAYAAN....

Linggo, Hulyo 3, 2011

Cebu Rhapsaday : )

                                                                        CEBU
                                              panibagong lugar, panibagong karanasan


Sa kauna-unahang pagkakataon nagdiwang ako ng kaarawan sa ibang lugar na hindi kasama ang mga mahal ko sa buhay. "Minsan lang" pakiusap ko kay iyah at kay mama... minsan lang sa buhay ko na makasama ang mga taong naging bahagi ng aking kamusmusan. "Minsan lang" pakiusap ko sa paborito kong aso na si bunso na hindi umaalis sa harap ng gate namin everytime na umaalis ako ng bahay. "Minsan lang" mensahe ko sa mga kalugar, kapitbahay at mga matatalik na kaibigan sabay takbo ng walang paalam. "Minsan lang" ako makakarating ng cebu... minsan lang akong sasakay ng eroplano... pagbigyan nyo na ko kahit ngayon langgg... wink!
                                               Havey, haberdey, it's my day, rhapsa day


Mactan Int'l Airport 10:30am, arrival area pa lang umaatikabo na ang tawanan, tilian na parang may mga tililing lang. Sa wakas nameet ko na si POW 77, ang powgi at ang sarap sakyan, nakipagsabayan ang lamig niya sa init ng panahon sa mga nag-iinit naming kasabikan kasabay ng pag-iinit ng mga mata sa nagbabagang luha na muntik na maging muta dahil sa sobrang init ng pagtanggap sa amin ni che. Kasabay ng pag-abot ng dalawang box na Tongkat Ali, isang espesyal na kape. Isipin mo nga, sa kabila ng pagiging abala ng ale eh nagawa pang alalahanin ang iinumin naming kape para sa mga darating na umaga namin sa cebu, o di ba? saan ka pa?
                                                                 kainan na!!!


Sabi ng tatay ko nung nabubuhay pa, wag daw ako kakain ng talaba dahil ang talaba daw ay nakamamatay. Tutal naman wala na ang tatay kong mahal, aba'y sa sarap ng pagkaing nakahain eh patay kung patay, "minsan lang" naman mamamatay eh hehehe... Sariwang talaba, sariwang pusit, sariwang hipon, sariwang gulaman, sariwang tilapya na sinlaki yata ng hita ko yun na niluto kasama ng masasarap na rekado, sinundan pa ng panghimagas na manggang hilaw shake weeeh  ala eh napasayaw tuloy ako "shake shake shake, shake shake shake, sarap matulog" \:D/  
                                                           Crown Regency Hotel


Nagpahinga lang kami ng konti larga na agad, walang humpay na inuman, sayawan, kantahan, tawanan, piktyuran, at may bonus pang telenobela live, starring aljhur at kris hahaha =)) kumpletos rekados, wala kang itatapon na moment talaga naman, mapagising man o mapatulog tuloy tuloy ang sound trip =)) Ibang klaseng karanasan na hinding hindi ko makakalimutan hanggang sa dumating ang panahong kailangan ko ng maupo sa silyang tumba tumba. Hinding hindi kayo mawawala sa alaala ko magpakaylan man. Thank you guy's : )