Martes, Hunyo 7, 2011

KM2: Panaghoy ng langit...

                     http://jkulisap.com/2011/06/km2-resulta/



Sa pusikit na karimlan hinaharot ng alon ang mga dikya sa dalampasigan, nagbabadya ang langit, nauulinigan ko ang alingawngaw ng hanging habagat, sa wari'y may paparating na unos. Sa malakas na pagaspas ng manananggal sa kaparangan, animo'y dambuhalang dumadaluhong, nabulabog ang mga manggagawa ng pulot-pukyutan, mistulang mga banal na yumuyukod ang bawat madaanan, mabalasik, tumitimo sa bawat himaymay ng aking laman ang kanyang kalupitan, nakapangingilabot... 

Ano pa't nagsisimula ng managhoy ang langit, mababakas mo sa bawat halinghing ang kanyang mga adhika at pagnanasang makalaya, sindak, di mawari kung saan susuling. Kasabay ng kulog at kidlat unti-unti ko nang nararamdaman ang pag-agos ng dugo sa aking katawan, nais ko nang panawan ng ulirat... Wala na... naglaho ng lahat ang mga pangarap kasabay ng pagtakas ng isang pangako... Nagsimulang umapaw ang lawa, at sa bawat sayaw ng kaluluwang uhaw ay dumadaloy ang tubig ng buhay tungo sa yungib ng aking kamalayan... 
Ayoko na... hirap na hirap na ako... parang awa nyo na... Basang-basa na ang aking pagkatao, nais ko nang umahon sa mundong  puno ng lugami, maharlikang mapang-api. Tadtad na ng peklat ang aking kaisipan, hapong-hapo  na ang aking kuyukot sa labis na panibugho. Nakikiusap ako ibalik nyo ang aking dangal at karapatan, nais kong mamuhay at kumilos sa daigdig kung nasaan ang kapayapaan. Ikaw na mapang-alipustang mundo pakawalan mo ang mga ibon sa himpapawid, hayaang lumaya ang mga isdang gala, wag mong ikulong sa mga palad mo ang kapiranggot na hanging hinihinga ko, wag mong ipainom sa akin ang tubig na sing-itim ng dilim... nakikiusap ako... huwag...

Salamat... salamat sa dakilang pag-ibig, unti-unti mong itinutuwid ang aking landas, muling binubuo ang pira-pirasong pagkatao, isang hugot ng balaraw mula sa kaibuturan ng aking puso, napawi ang lahat ng kirot at pangamba, muling umawit ang pag-asa, sumayaw ang mga aninong nangangalumata, napawing lahat ang pagdurusa, Nulas sa labi ang mga ngiti, hatid nito'y luwalhati. Dalhin mo ako sa bahagi ng mundong ito kung nasaan ang kapanatagan upang sa pagsilay ng bukang liwayway ay aking matanaw ang pagkaway ng panibagong pag-asa... kasabay ng muling pagdaloy ng aking diwa.