Huwebes, Hunyo 2, 2011

Ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal... PART 2

Tangna nakakahilo, pagkagising rosaryo agad, di man lang  muna kami pinagkape...hayyy salamat natapos din ang ika-limang misteryo, diretso na sa kitchen, bawal umupo agad, kailangan mo munang maghugas ng kamay. Magdadasal na naman... peste! ako pa naatasang mag-lead sa dasal eh anong malay ko naman. Hindi raw kami pwedeng kumain hangga't di nagdarasal, masama na ang tingin sakin ng mga kasamahan ko dahil sila man ay hilo na rin siguro sa gutom. "Panginoon maraming salamat po sa almusal, amen." Hagikgikan ang mga kasamahan ko. "Ikaw uli ang magli-lead mamaya at hindi ganyan ang tamang pagdarasal, dapat ay taimtim at taos sa puso ang iyong pasasalamat." Bahala ka sa buhay mo, wala ako panahon sa litanya mo...May mga nakatoka sa house keeping, wala pa akong assignment, salamat naman, matutulog uli ako. Ngunit hindi pala dapat ganon...


"Era kumuha ka ng piko sa bodega at sisimulan mo ngayong araw na ito ang iyong hard labor, isang buwan kang gagawa ng balon." Tangina talagaaa...buti pa sa city jail masarap ang buhay ko, di tulad dito de numero lahat ng kilos ko, ultimo pag-gamit ng cr may oras. Hindi ko kaya... kailangan makagawa ako ng paraan. Alas nuebe ng gabi nasa kwarto na ang lahat, patay ng lahat ang mga ilaw, ang bombilyang nasa poste sa labas ang tanging nagbibigay ng liwanag sa kwartong apat kaming umoukupa. Di ko alam kung tulog na yung dalawa o nakikiramdam. Gising pa si suzette, "yosi gusto mo?" pabulong... kumuha ako ng isa at nagsindi, nag-usap kami sa pamamagitan ng bulungan at senyasan at nung gabing yun, nabuo ang isang pagkakaibigan. Dalawang taon na si suzette sa lugar na yun, pinagkakatiwalaan ng magbigay ng task sa mga inmate. Maganda cya, maamo ang mukha, blondie ang buhok, maganda ang kutis maliban sa braso na puro peklat na bunga ng paglalaslas. Kinabukasan ganon na naman, sa araw araw na ginawa ng diyos ganon lagi ang routine namin na nakasanayan ko na rin. At sa pamamagitan ni suzette, nairerekomenda niya ako sa mga magagaang ngunit mahahalagang gawain, natapos ko na rin ang hard labor ko at nakakakilos na ako ng maayos. Tuwing linggo may dumarating na charismatic group upang magturo ng piano, guitar at mga kantang inaawit kapag may misa, doon ko na rin itinuloy ang pag-aaral ko kapalit ng donasyon na ibinibigay ng magulang ko. Nalibang ako at naging aktibo, wala akong pinalalampas na event, singing contest, dance contest at sport tournament, lahat yan sinalihan ko, itinatabi ko ang mga premyo at award na natatanggap ko at ipinapadala ko sa nanay ko sa tuwing dinadalaw ako. 


Bagamat nalilibang ako ay di pa rin mawala sa isip ko ang kagustuhang makalabas at muling malanghap ang hangin sa laya. Nababasa pala ni suzette ang nasa isip ko... pareho pala kami lagi ng iniisip... 


Natoka kaming gumawa ng pandesal para sa agahan kinabukasan, pareho kaming naka-rubber shoes nung gabing yun, nakahanda sa habulang magaganap kung sakali man. Ala-una na ng madaling araw, tapos na kaming magmasa, naghihilik na rin si sister anette sa upuan niya. Sumenyas si suzette, dahan dahan kaming lumabas sa store room, binaybay namin ang pathwalk papunta sa main gate... Madilim ang paligid, maliksing kumilos si suzette, malapit na kami sa gate, konti na lang... BANG!