Sabado, Setyembre 24, 2011

NASOPHARYNGEAL CARCINOMA

Matagal ko na gustong i-post ito ngunit dahil sa kulang ang aking nalalaman sa bagay na ito ay nanatili na lamang itong nakaimbak sa aking draft. At sa pagkakataong ito ay naisipan kong ituloy dahil sa kasalukuyang isyu na naging dahilan upang ako'y magkaron ng kuryosidad at maraming salamat kay "pareng googles" sa impormasyon.


Ano ba ang NASOPHARYNGEAL CARCINOMA?


Ito ang sakit na pumatay sa asawa ng aktres na si Camille Prats at kasalukuyan din itong sakit ng basketball star na si Rommel Adducul. 


Ang sakit na ito ay isang cancer na tumutubo sa itaas na bahagi ng lalamunan na nasa likod ng ilong at sa tinatawag na "auditory tubes" na siyang mga kanal na papunta sa tenga. Mas madalas itong maranasan ng mga kalalakihan sa asya at africa, kaya sinasabi na maaaring may kinalaman dito ang lahi, mga kinakain at pati na rin ang mikrobyong nalalanghap ng ilong. Ang mga sintomas nito ay bukol sa leeg, pagkawala ng pandinig, maaaring parating sinisipon o kaya'y madalas na pagdurugo ng ilong, pagbabago ng boses, pamamanhid ng mukha at matinding sakit ng ulo.  


Kadalasang nagiging sanhi nito ay maaaring namana sa isang kapamilya, pagkahilig sa pagkaing maalat, lantad sa alikabok na nagmumula sa kahoy at paninigarilyo. Ang resulta nito ay kadalasang nada-diagnose kapag kalat na. Ang bukol na mararamdaman ay maaaring yung kanser na mismo, na inaakala nating simpleng kulani lamang sa leeg na kung saan ay kumakalat ang kanser. Mahirap operahan ang kanser na ito dahil sa lokasyon, kaya ang tanging lunas na lamang ay radiation at chemotherapy. Ang layunin ng naturang therapy ay patayin ang kanser at kontrolin ang pagkalat nito. Maganda naman ang survival rate ng naturang kanser dito sa asya sapagkat malawak ang experience ng mga doktor sa paggamot sa sakit na ito. 


At isa sa kilala kong survivor ng naturang kanser ay ang aking batchmate na si Missael Sumang at ayon sa kanya ay siyang pinaka-matinding pagsubok na dumaan sa kanyang buhay. Dumating sa punto na nawala ang kanyang pandinig at panlasa sa pagkain ngunit dahil na rin sa tibay ng pananalig at suportang moral ng mga mahal sa buhay ay nalampasan niya ang naturang pagsubok. 


Ang buhay natin ay mahalaga kaya pangalagaan natin ito, huwag balewalain ang mga simpleng nararamdaman sa ating katawan dahil baka ito ang maging sanhi ng maagang kamatayan...






Sabado, Setyembre 10, 2011

HACKER

Oo inaamin ko isa akong adik... isang wagas at tunay na adik sa facebook. Tengeneng yan! Sobrang sama ng loob ko dahil ilang araw na akong hindi makapag-facebook, yun pala.... yun pala na-hacked na ng putang inang hacker ang facebook account ko waaaaaaaah :(

Sobrang angat na ng teknolohiya ngayon, masyado ng matatalino ang mga tao, talinong kung gagamitin lang sana para mabago ang ikot ng mundo at masugpo ang mga kalamidad na nangyayari ngayon sa ibat ibang panig ng daigdig ay makakatulong pa sila imbes na maminsala ng kapwa. Sa sobrang talino ng ibang tao ay kung ano ano na lang ang naiisip. Wala ng imposible ngayon pagdating sa komunikasyon, lahat na halos ng klase ng gadget ay meron na ang mga tao . Samantalang ang matatalinong tao ay walang tigil sa pagtuklas sa mga makabagong aparato, habang ang iba naman ay sa kasamaan ginagamit ang kanilang kaalaman. 



Mula ng mauso ang internet, kasabay na nauso ang mga booter at spammer sa chat, pishing at hacking naman sa mga social networking site, sa sobrang talino ay nagagawa nilang pasukin ang pribadong account ng isang miyembro nito. Kamakailan lamang ay nabiktima ako, minalas na naexpired ang aking anti virus kasabay ng pagkawala ng aking firewall protection ay ang pagkawala rin ng aking paboritong account sa facebook. Sinubukan kong makipag-ugnayan sa pamunuan ng facebook ngunit marami silang hinihinging requirements at isa pa ay nauubusan ako ng english sa kagagawa ng email sa walang konsiderasyong pamunuan ng facebook, wala rin akong nagawa kundi ang magmura na lang... "Tangina mo hacker mamamatay ka din bwisit ka!!!" May natutunan man akong leksyon sa nangyari ay abot langit ang panghihinayang ko sa mga alaalang inimbak ko sa nasabing account, sayang tsk tsk tsk...

Linggo, Setyembre 4, 2011

Mula ulo hanggang paa... BABAE


Bilang babae paano mo pinahahalagahan at inaalagaan ang sarili mo? Wag na nating pag-usapan ang edad, basta babae ka pasok ka sa banga.

Bata pa lang tayo ay tinuturuan na tayo ni nanay ng tamang pangangalaga sa sarili, maliban doon ay nabibigyan din tayo ng impormasyon mula sa eskwelahan. At habang lumalaki tayo ay nagbabago rin ang ating katawan at itsura kasabay ng pagbabago ng kaisipan dahil unti unti tayong namumulat sa mga nakikita natin sa paligid, sa napapanood natin sa tv at sa mga nababasa natin. Madalas ay kung ano ang nakikita natin sa mga iniidolo natin ay ginagaya natin tulad ng paraan ng pananamit, pananalita at porma.

Hindi mo kailangang manggaya, mas maige yung original ka, magpakatotoo ka kung anong meron ka dahil ang bagay kay maria ay hindi nangangahulugan na babagay din sayo, di mo alam nagmumukha kang katawa tawa. Eh ano kung chubby ka? Hindi naman lahat ng lalaki ay tumitingin sa korte ng katawan. Eh ano kung di ka kagandahan? Hindi naman lahat ng lalaki ay tumitingin sa ganda. Eh ano naman kung di ka katalinuhan? Basta ba may sense kang kausap at nakakasabay ka sa kahit na anong isyu eh pasok ka na, hindi naman lahat ng lalaki ay naghahanap ng gf na cum laude. 

Hindi kailangan na mayaman ka para ma-maintain mo ang mga qualities mo pero malaking advantage kung can afford ka sa lahat ng bagay na gusto mo para sa sarili mo. Teka muna... Bakit di natin umpisahan sa ulo pababa...



BUHOK-- Gumamit ng shampoo at conditioner sa tuwing maliligo dahil ang shampoo ay panglinis ng anit at ang conditioner ang nagbibigay ng impression sa iba para magmukhang maganda at malusog ang buhok mo. 

TENGA-- Siguraduhin na laging malinis ang tenga mo lalo na kung maigsi ang buhok mo, nakakaturn off sa mga kalalakihan kapag nakitang may unidentifying object jan yuckkk...

MUKHA-- Pinakaimportante ito dahil ito ang unang makikita sayo. Panatilihing malinis at maayos ang mukha sa lahat ng oras, check mo ang mata mo baka may naiwang muta nakakahiya, linisin mo na rin pati ilong mo baka nangitingim na sa usok. Hindi mo kailangang mag-make up kung alam mo namang maganda ka, konting pulbos lang ok na (depende ito kung ikaw ay may dadaluhang okasyon). At kung di ka naman kasing ganda ng iba eh wag kang mag-alala dahil maganda naman ang ibang bahagi ng katawan mo, dun ka mag-focus para makabawi ka.


NGIPIN-- Alagaan ang ngipin, wag kalilimutang magsepilyo after meal at higit sa lahat check mo ang hininga mo kasi baka makamatay ka kapag nagsalita ka dahil sa baho ng hininga mo. Kung nasa work at hindi kailangang magsalita, make sure na meron kang candy para sa anti bad breath dahil ang kalahating araw na hindi pagsasalita ay nakakapanis ng laway.


LEEG at BATOK-- Siguraduhin na walang libag na nakaipit jan sa leeg mo at kung sadyang maitim ang batok mo ay ugaliin ang pagkuskos ng kalamansi sa batok hanggang leeg sa tuwing ikaw ay maliligo.


KILIKILI-- Isama mo na rin sa pagkuskos ng kalamansi ang kilikili, (nakakaputi ng kilikili ang kalamansi). Pumili ng deodorant na kahiyang ng kilikili mo, wag gumamit ng deodorant na matapang ang amoy.

BRASO hanggang KUKO-- Alagaan ang braso, magpahid ng lotion pagkatapos maligo, panatilihing malinis ang kuko, hindi kailangang laging bagong manicure.


KATAWAN-- Linisin at sabuning mabuti ang katawan kapag naliligo, kuskusin ng bimpong may sabon ang lahat ng bahagi ng pang-itaas na katawan lalo na ang ating likod at ilalim ng suso, linisin din ang pusod ng bulak na may baby oil.

PEKPEK-- Wag kang gagamit ng sabon dahil nakakairita yun at nakakabawas ng natural ph level ng pekpek natin, ugaliing mag-trim ng pubic hair para mas kumportable sa pakiramdam at hindi naiipit ng garter sa parteng singit. Ugaliin ding kuskusin ng kalamansi ang singit hanggang kuyukot para di ka mahiyang magsuot ng 2 piece kapag nag-bora ka, dahil ang kalamansi ay nakakaputi ng singit. tatandaan din na unahing linisin ang pekpek bago ang pwet ok?( hindi bawal ang sabon sa pwet)


LEGS-- Katulad ng pangangalaga sa braso at katawan, palaging magpahid ng lotion pagkatapos maligo. At kung ikaw ay sales lady sa department store, magsuot ng stocking upang proteksyon sa pagkakaroon ng varicose vein. Iwasang magkamot ng alak-alakan kapag may regla para hindi magkaron ng kamot.


PAA-- Alagaan ang paa, isa ito sa mga tinitingnan ng kalalakihan. kasabihang kapag maganda at malinis ang paa mo ay nangangahulugang malinis at maalaga ka din sa katawan.


Mahalaga rin ang pag-inom ng vitamin E bilang proteksyon ng ating katawan, mainam ito upang hindi maging magaspang ang ating balat at panlaban din ito sa skin cancer. 

Hindi tayo nag-aalaga ng katawan para lang sa mga lalaki, ginagawa natin ito bilang pagpapahalaga at respeto na rin sa sarili natin, walang ibang makikinabang nito kundi tayo rin mismo. Laging tandaan na walang pangit na nilikha ang diyos, nagkataon lang na mas maganda ang iba, wag mainsecure, i-enhance ang sarili, nasa nagdadala lang yan . Panatilihin ang magandang pag-uugali at pananampalataya sa diyos. Gawing positibo ang mga pananaw sa buhay at higit sa lahat, maging produktibo : )

Biyernes, Setyembre 2, 2011

Just do it!

Marami sa atin ang hindi sanay mag-almusal, ang iba ay kuntento na sa kape lamang. mali yan. Mahalaga sa ating katawan ang almusal sapagkat ito ang gigising sa ating sistema upang magkaron tayo ng produktibong araw, yun bang hindi tayo lalamya lamya sa kahit na ano pa mang gawain. Dapat mong malaman na kapag  tayo ay natutulog ay bumababa ang ating metabolism, kaya naman kailangan nating kumain ng almusal upang palakasin ito. Meron diyan hindi kakain ng almusal para daw mabawasan ang calories at ang timbang, mali din yan, dahil sa oras na kakain ka na ay tiyak na mapaparami ang kain mo, eh di wala rin. Nasa disiplina lang yan.

Habang tumatanda tayo nag-iiba ang kondisyon ng ating katawan. Kung hindi natin bibigyang-halaga ang ating kalusugan madali tayong tamaan ng sakit. Maaari ring lumobo o bumigat ang ating katawan kung wala tayong disiplina sa pagkain. Isang sagot ang pag-eehersisyo. Paraan ito upang mabawasan ang risk sa pagkakaroon ng chronic disease sa matatanda, kaya dapat silang mag-exercise at least 30 minutes sa tamang activity kada araw on most days of the week. Sa mga bata, dapat ding mag-exercise at least 60 minutes kada araw sa loob ng isang linggo.Kapag mas energetic ang activity at mahaba itong ginagawa, mas magiging malusog tayo. Pero, sabi nga every little bit counts. Heto subukan mo, ilan lang ito sa mga exercise na madali at kayang gawin. 
 

- Pagkatapos mag-almusal maglakad-lakad sa loob ng sampung minuto. Isang paraan ito upang maging buhay ang iyong dugo sa buong araw. Maaari ring gawin ito pagkatapos mag-lunch at dinner. Mas maganda kung gagawin ito kasama ang buong pamilya o kaibigan. Kainaman pa sa gawaing ito ay hindi lalaki ang bilbil mo.
 

- Igarahe ang iyong sasakyan sa di kalayuan para makapaglakad papunta sa inyong trabaho.
 

- Sa paglalakad maaaring isama ang iyong alagang aso.
 

- Maaari ring kumilos habang ikaw ay nasa inyong bakuran o hardin.
 

- Maglakad ng may kabilisan kung ikaw ay nasa loob ng mall.
 

- Sa halip na mag-elevator, maghagdanan na lang.

- Kung nasa bahay lang, maaaring mag-aerobic na mag-isa sa pamamagitan ng panonood sa you tube, piliin ang mga step at routine na kaya mong gawin. 

Gawin mo na habang malakas ka pa, maaaring manibago ka sa una pero sa katagalan ay masasanay ka rin naman, kailangan mo ito upang magkaroon ng malakas at malusog na pangangatawan.

Huwebes, Setyembre 1, 2011

Ayos ang buto buto...


Happy go lucky akong tao, wala kong ginusto sa buhay ko noon kundi ang magsaya at magpakasaya pa. Mahilig ako sa happenings, mahilig akong sumayaw. Konting tugtog lang na magustuhan ng tenga ko ay kumukuyakoy na ang mga ugat ko. Hindi ako aware noon sa mga health issues, pakelam ko, malusog ako eh. Nawala sa isip ko na hindi na nga pala ako bata. Sa ayaw ko at sa gusto, ako ay papunta na sa pagtanda sa mga susunod na dekada. Nitong mga nakalipas na araw lamang ay humarap ako sa panibagong yugto ng buhay ko na nagbigay sakin ng pangambang "baka wakas ko na". Mabuti na lamang at pumabor sakin ang nakaugalian kong wag ipagwalang bahala ang mga bagay bagay at sa awa ng diyos ay negative ang naging resulta, wala akong cancer sa suso...


Nakalusot nga ako sa cancer ngunit ang nanay kong 84 yrs old na sobrang kulit ay hindi nakaligtas sa tinamong fracture ng kanyang pelvic bone na siyang dahilan upang hindi na makalakad tatlong linggo na ang nakakaraan. Maaaring malakas pa ang kanyang isip, buo ang loob niya na ganon din kalakas ang katawan niya. Ang nanay kong walang ginawa kundi mamalengke tuwing umaga at hapon ng naglalakad lamang ay hindi makapaniwala ngayon na siya ay nakaupo na lamang habang buhay, Hindi na rin kami nakipagsapalaran pang ipaopera siya sapagkat hindi kami nakakasiguro sa magiging kaligtasan niya, delikado na sa edad niya ang nasabing operasyon, ipinagpapasalamat na lang namin na walang naging komplikasyon. Magmula noon ay nagsimula na akong magresearch sa google, halos magdugo ang ilong ko sa mga walang katapusang english, mabuti na lamang at malawak ang pang-unawa ni google translate sa bawat katanungan ko, kaya narito ako upang ibahagi sa inyo base sa naiintindihan ko.
  
 Ano ba ang osteoporosis?

Ang osteoporosis ay isang sakit ng mga buto. Tahimik lang ang sakit na ito ngunit hindi mo namamalayan unti-unti na palang nawawala ang laman ng mga buto mo, lalo na ang calcium, kaya’t nagiging marupok ito at madaling mabali. Pinakamadalas mangyari ito sa mga buto ng gulugod, balakang at sa pulso. Nangyayari ito sa mga may edad na, mas madalas sa mga babae. Sinasabi nila na isa sa tatlong babae at isa sa limang lalake ay mayroong osteoporosis. Mas laganap pa pala ito kaysa sa breast cancer at sa prostate cancer. Sa mga babae kapag nagkaroon na ng menopause, mabilis na magkaroon ng osteoporosis sapagkat ang ovary nila ay tumigil nang gumawa ng estrogen, isang hormone na kailangan sa paggawa ng buto, at ang calcium sa mga buto nila ay nawawala kaya’t nagiging marupok. Sa mga lalake habang tumatanda, unti-unti lamang nababawasan ang kanilang hormone na testosterone kaya’t matagal pa bago sila magkaroon ng osteoporosis.

Eh bakit nga ba nagkakaroon ng osteoporosis ang isang tao? Ang mga Genetic factors ay pagiging matanda, pagiging isang babae, at mayroong kapamilya na mayroong osteoporosis. Ang Lifestyle factors ay kulang ang pagkain ng calcium, kulang sa Vitamin D, walang exercise o kulang ang physical activity, malakas uminom ng alak at naninigarilyo. Mayroong mga sakit na nagdudulot ng osteoporosis gaya ng hyperparathyroidism, chronic renal failure, at mga sakit sa atay at bituka. Ang mga matagalang umiinom ng corticosteroid (gamot sa maga) ay maaaring magkaroon din nito.

Ang isang nasira buto ay napakalaking epekto sa buhay ng isang babae. Maaari itong maging sanhi ng kapansanan, sakit, o umasa na lamang sa iba. Mahirap ng gawin ang mga pang-araw-araw na mga gawain nang walang tulong ng mga kasambahay tulad ng paglalakad. Ito ay sadyang napakahirap tanggapin sapagkat hindi ka na maaari pang makisalamuha pa sa iba tulad ng mga dating kinagawian mo na. Mananatili ka na lamang sa iyong kwarto o kung may wheelchair man ay hindi pa rin sapat upang makakilos ka ng malaya. Madalas na karamihan sa atin ay hindi aware sa ganitong kalagayan hanggat hindi nila mismo nararanasan. Karamihan ay saka pa lamang magsisimulang mag-ingat kapag nabalian na ng buto. Osteoporosis
Ang osteoporosis ay parehong nakakaapekto sa mga kalalakihan at kababaihan. Sinasabi ng mga eksperto na dalawa sa tatlong kababaihan at isa sa limang kalalakihan ang nababalian ng buto ng dahil sa osteoporosis.


Ang artritis at osteoporosis ay kabilang sa mga nangungunang dahilan sa mundo ng sakit at kapansanan, at tila parusang nagbibigay ng isang malaking pasanin sa sistema ng kalusugan. Para sa mga matatandang mahina na ang buto, ito ay maaaring makamatay at ang isang sirang balakang ay nakakadagdag ng panganib sa kanyang buhay. Mapanganib para sa mga may edad na 50 pataas ang sakit na ito lalo sa mga kababaihan o mga taong may mababang timbang , malakas uminom ng alak at manigarilyo, may history ng fracture at rayuma. Naiuugnay rin ang osteoporosis sa mga sakit na tulad ng diabetes at HIV. 




Arthritis
Sumasakit ba ang mga buko (joints), tuhod, balikat o likod ninyo?  Di makalakad dahil sa pamamaga ng mga ito? Ang sabi nila, ito raw ay arthritis.
Arthritis means inflammation of the joints ...ito ay pamamaga ng tuhod, mga taludtod ng balikat, at mga buko ng daliri. Iba’t-ibang klase ang arthritis, ang pinaka-karaniwan ay ang osteoarthritis or degenerative arthritis. Mayroon ding rheumatoid arthritis, gout, pseudogout at infectious arthritis. Ang ating tatalakayin dito ay osteoarthritis.
Ang osteoarthritis ay isang chronic or talamak ng sakit na ang naapektuhan ay ang mga cartilage na nagbibigay ng proteksyon at lamuhadon sa mga buto kung saan dalawang buto ang magkadikit upang makabuo ng taludtod. Madalas na nararamdaman ng pasyente ay mga pagkirot, paninigas, pagkahiwi (deformity) at pagkawala ng pakinabang ng apektadong taludtod. Kalimitang sanhi ng ganitong sakit ay madalas na paggamit o wear and tear at sa katagalan, nasisira or napipilasan ang mga cartilage. Dala na rin ng pag-kakaedad, sobrang bigat ng timbang o obese ang mga taludtod ng tuhod ay overworked at nagkakaroon ng ganitong sakit. Ang mga may problema sa hubog or form ay kadalasang nauuwi rin sa sakit na ito. Mas nadadagdagan ang sira sa mga cartilage hanggang sa maaring magkaron ng bony spurs o mga bagong buto na tumubo sa paligid ng mga apektadong mga buto or taludtod.
Maraming pwedeng gawin para magamot o mabawasan ang mga pagkirot, maliban sa mga malubhang klase ng osteoarthritis, maaring dapat palitan na ang taludtod (surgical replacement) pero may mga panganib din na dulot ito. Ang mga espesiyalistang doktor lamang o orthodoctors ang makapagsasabi kung anong klaseng problema at nararapat gawin sa isang pasyente. Kailangan ng pisikal na eksaminasyon at paggamit ng ‘x-ray’ o di kaya yung mas ‘hi-tech’ na magnetic resonance imaging (MRI). Kailangan din ang pagsuri ng dugo pati na rin ang pag-eksamin ng ‘synovial fluids’ or ang ‘langis’ ng mga taludtod.
Ano ang dapat gawin ng isang may arthritis?
Pag-limita sa paggamit ng apektadong joint. Kung overweight, dapat mag-reduce para mabawasan ang pressure sa mga joints. Ang pag-ehersisyo at physical therapy ay patitibayin ang mga laman o muscle sa palibot ng apektadong joint na maaring makatulong. Sa mayroon osteoarthritis, kung di naman nagdudulot ng sakit o sintomas, hindi ito kailangang gamutin, maliban sa pag-inom ng mga tabletang anti-inflammatory or pain killers. Ang paggamot ng arthritis ay para mawala ang sakit, improve joint function at maka-kilos sa pang-araw-araw na gawain. Makatutulong din ang pagsuporta sa apektadong bahagi ng katawan sa paggamit ng ortho na sapatos, baston, elastic knee support, walker at marami pang iba.
Ang operasyon ay isang paraan lamang kung ang mga nabanggit na solusyon ay di na makatutulong sa pag-alis ng kirot o mabalik ang dating function ng apektadong joint.
Kadalasan, pinapalitan ng artificial joint ang nasirang taludtod.
 


Miyerkules, Agosto 31, 2011

BER na naman...



September na... kasabay ng iniwang pinsala ng bagyong si mina ang malamig na simoy ng hangin at mga nagtataasang bilihin, hudyat na papasok na ang panahon ng kapaskuhan. 

Kanina lamang ay pinanonood ko sa bintana ang aking kapitbahay, nililinis ang xmas light na ginamit nung nakaraang taon, tinitesting ang mga bombilya nito kung ubra pa para gamiting dekorasyon sa kanyang bintana at nang masiyahan ay ikinabit na ng tuluyan, parang gusto ko siyang sabayan, gusto kong magpatugtog ng awiting pamasko pero gabi na, baka mapagkamalan akong muret ng mga kapitbahay ko, nakuntento na lamang ako sa pakikinig ng xmas song sa mp3 ko pero bukas, pangako ko sa sarili ko magpapatugtog ako at ilalakas ko ng bonggang bongga  para marinig lahat ng kapitbahay ko.





Sa buong isang taon, ang panahong ito ang pinakahihintay ko at siyang paborito ko. Hindi ko alam kung bakit, ngunit bata pa lamang ako ay ganito na ang pakiramdam ko sa tuwing sumasapit ang mga buwan ng ber. Sa tuwing makakarinig ako ng mga awiting pamasko, sa tuwing makakakita ako ng mga kumukutitap na xmas light at mga xmas decor ay parang napakasaya ko. Na kahit wala akong pera, pakiramdam ko ay panahon ito ng kasaganaan, pagbibigayan, pagbubunyi, pagmamahalan at pagpapakumbaba... isang bagay na nagpapagaang ng aking kalooban.



At sana sa darating na kapaskuhan ay hindi lang ako ang may ganitong pakiramdam, sana lahat ng tao ay magkaroon ng kasaganaan ng may kababaang loob, isang pagpupugay para sa paparating na kapaskuhan at pagsilang ng sanggol sa belen.

Sabado, Agosto 27, 2011

Sagad to the bones

Hindi lamang ang mga babae ang naaapektuhan ng pagka-damage ng buto.
Maging ang mga lalaki ay posible rin nitong tamaan. Ngunit kaya itong maagapan at maiwasan.
Ang kawalan ng vitamin C at D ang siyang dahilan kung bakit nanghihina ang ating mga buto. Maliban pa rito ang pagkakaroon ng hindi magandang lifestyle ay dahilan din kung bakit hindi nagiging maganda ang lagay ng mga buto. At hindi lang yan, minsan hindi maiwasan na matapilok o mawalan ng balanse, at ang masamang pagbagsak ay isa sa mga dahilan ng pagkasira o pagkabali ng buto, tulad na lamang ng nangyari sa nanay ko at sa ibang kakilala na pareho rin ng kaso. At dahil sa may edad na at marupok na ang buto ay delikado na para isalang sa isang maselan na operasyon. Sa ayaw at sa gusto ng may katawan ay wala ng choice kundi tanggapin na lamang na apektado na ang mga dating kinagawian dahil sa hindi na o hirap na itong makalakad.


Alagaan ang ating buto, alamin ang limang best bone builders:
 

1. Calcium. Nakakatulong ito upang makagawa at mamantina ang mga buto.
Pangangailangan araw-araw: 1,000 milligrams kung ikaw ay wala pang edad 50, at 1,500 kung mahigit 50 edad na.
2. Vitamin D. Ito ang kumukuha at naglalagay ng calcium sa buto.
Pangangailangan araw-araw: 800 to 1,000 IUs
3. Vitamin K. Ginagawang aktibo nito ang proteins na kailangan para maging matibay ang buto.
Pangangailangan araw-araw: 65-80 micrograms
4. Magnesium. Nagpapagana ito sa production ng buto.
Pangangailangan araw-araw: 100 to 400 milligrams
5. Activity. Makakatulong ito upang mapabuti ang daloy ng calcium sa buto
Pangangailangan sa loob ng isang linggo: Isang malakas na ensayo para sa 2 o 3 araw kada linggo.


Kung gusto mong maging matibay at malusog ang iyong mga buto, may mga bagay na dapat iwasan para makamtam ito.
 

1. Alcohol - Pinabababa nito ang activity ng cells na gumagawa para makagawa muli ng buto.
Anong dapat gawin? Bawasan ang pag-inom nito kada araw.
2. Caffeine - Ang sobrang pag-intake nito ay magiging daan upang lumabas ang calcium.
Anong dapat gawin? Bawasan ang pag-inom masyado ng tsaa, coffee, soft drinks, at iba pang caffeinated drinks.
3. Sodium - Bakit? Gaya ng caffeine, dahilan ito upang mawala ang calcium.
Anong dapat gawin? Iwasan ang maaalat na pagkain.
4. Inactivity - Ang kawalan ng walang ginagawa ay daan upang limitahan nito ang daloy ng calium sa buto.
Anong dapat gawin? Mag-exercise araw-araw.
5. Smoking - Sinisira nito ang pangangailan ng katawan sa calcium.
Anong dapat gawin? Huminto sa paninigarilyo. 


Gawin mo na habang malakas ka pa, mahirap maging baldado.

Biyernes, Agosto 26, 2011

May asim pa...


 Babae ka ba?

Wag kayong mabahala mga mare dahil hindi pa huli ang lahat... may asim ka pa ; )

Ang tinutukoy ko rito ay ang kalusugan ng katawan na kaya pa ring makamit kahit ikaw ay medyo huli na sa pagsimula ng malulusog na gawi. May mga nagpapatunay nito na kahit daw sa edad 40 o 50 nag-umpisa ng mga hakbang sa pagiging malusog ay puwede pang maiwasan ang panganib na dulot ng pagtanda tulad ng sakit sa puso, kanser, diabetes at iba't ibang uri ng sakit na nagiging resulta ng maagang pagpanaw. Maraming sakit ang dulot ng kakaibang estilo ng pamumuhay. At payo ng mga dalubhasa na kahit nga raw sa katandaan, ay maaari pang mapahaba ang buhay.
 

Ang pinipiling diyeta ay isang susi sa pagtamo ng katawang malaya sa maraming karamdaman. Sa partikular, ang pagkain ng lima o higit pa sa limang serving ng prutas at gulay kada araw ay dapat sundin. Ang pag-ehersisyo naman ng dalawa’t kalahating oras kada linggo ay esensyal din. Sunod dito’y pagmintina ng ideyal na timbang (isama mo na rin ang sukat ng iyong bewang) At panghuli ay ganap na pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak ( hindi masama kung minsan lang).

Narito ang ilang gabay sa pamumuhay na maghahatid ng mas mababang panganib dulot ng pagtanda at mas matitiyak ang kaligtasan sa maagang pagpanaw sa mga may edad 40/50. Eh bakit mo naman hihintayin pang dumating ka sa edad na 40 o 50 bago ka kumilos, pinapayo lang na sakaling nakaligtaan ang mga gabay sa malusog na pamumuhay noong kabataan ay di pa rin talaga nahuhuli kung magsimula sa katandaan. May tiyak naman itong benepisyong kanais-nais. May pag-asa pang maging maaliwalas ang kalusugan, kasabay nito ang positibong pakikisalamuha sa mga taong nakapaligid sa atin. Subukang makilahok sa aktibong pang-komunidad, mag-ehersisyo sa paraang kaya lamang ng iyong katawan. Makinig ng mga paboritong tugtog habang gumagawa ng gawaing bahay upang hindi makaramdam ng pagod. Dagdagan pa ng mabuting gawi sa ating pagkain upang matamo ang kalusugan at ang malaking pagbabago sa katawan. Tulad ng pagbawas ng maalat na pagkain at pagdagdag ng calcium sa mga kinakain, pag-iwas sa mga pagkaing matatamis, pag-inom ng gatas, pagkain ng gulay at prutas, pag-iwas sa pagpupuyat o kaya ay pag-iwas sa mga tensyonadong gawain.
 


Ang ulat na ito’y magandang balita sa mga nakatatandang tila nawawalan ng motibong magbago ng estilo ng pamumuhay. Minsan kasi pag may edad na, may tendency nang magpabaya, iniisip eh tutal matanda na naman at tila naghihintay na lang. Ngunit marami rin naman ang nagsisikap talagang maging malusog. Ang masaklap lang nyan ay kung kailan kulubot na ang balat mo ay saka ka pa matatauhan. Yung mga nagbabago sa katandaan mula sa isang estilo ng buhay ng pag-aabuso ng katawan ay di na magtatagumpay kahit ano pa ang gawin, kaya ang resulta, nagmumukha kang "nagmumurang kamatis" sa babae at "nagmumurang kamyas" naman sa lalaki. Kadalasan ay parang bumabawi sa katawan ang matagal na masamang gawi noong kabataan. Halimbawa may mga taong labis na palainom ng alak sa panahon ng teenager. Dagdagan pa ito ng pagpupuyat at paninigarilyo. Pagdako sa edad 40 ay biglang nagbago. Ngunit pagdating sa edad 50 o mahigit ay biglang may mga nararamdaman sa kung saang parte ng katawan tulad ng atay o bato. Ito pala’y parang pagbabayad sa mahabang panahon ng mga bisyo. Umukit na ang pinsala sa mga bahagi ng katawan at mahirap nang burahin sa pagbabago ng pamumuhay. Kaya naman habang bata ka pa at may panahon pa ay simulan na ang pagbabago ng lifestyle, gawing masustansya ang nutrisyon at gawing aktibo ang katawan. Simulan mo na, ngayon na habang may asim ka pa!

Mga pagbabago sa buhay at katawan ng babae



Babae ka ba?


Sa buhay ng isang babae, mas marami ang mga pagbabagong nararanasan. Ito’y maging sa emosyonal o pisikal na aspeto. At sa paglipas ng panahon, dala ng dinidikta ng kultura, ang mga dinadaanang emosyon ng babae ay samu’t sari habang tumatanda. Ito’y bunga ng mga tradisyonal na papel ng babae sa mga relasyon, sa pamilya, sa tahanan at pananaw na maging mapagtiis lagi. Sa aspeto ng pisikal, kalikasan ang konteksto ng mga pagbabago at transisyon. Taglay nating mga babae ang sistemang pangreproduksyon. Dalagita pa lamang ay nariyan na ang natural na yugto ng pagreregla, hudyat na tumawid na ang babae mula sa pagkabata patungo sa pagkadalaga.

Ano ang katumbas nito sa kalalakihan? Pagpapatuli, ngunit minsanang ritwal lang ito. Sa bahagi ng babae, ang unang regla ay simula lamang ng buwanang karanasang magaganap ng marami pang taon. Tinatayang higit 40 taon itong mararanasan ng bawat babae. Kapag nagbuntis ang babae napakalaking transisyon na naman. Buong katawan ay makararanas ng makabuluhang pagbabago. Ang siyam na buwang pagdadalantao, mismong pagluluwal ng sanggol, ang pagpapasuso at ang pag-aaruga, lahat ito’y matitinding transisyon sa babae na hindi nararanasan ng lalaki. Ibang klaseng yanig sa katawan ang mga ito. At habang nagpapalaki ng mga anak, kasabay ng paghahanapbuhay at pag-aalaga ng tahanan, inaasahang taglay ng babae ang lakas ng isip, puso at katawan upang magampanan ang lahat na tungkulin. Sa mga pagkakataong may pisikal na hamon o karamdaman, ang babae ay kadalasang  nagtitiis at di gaanong iniinda dahil sa samu’t saring responsibilidad. 


Pagdating ng edad 40, umpisa na ng mga unti-unting pagbabago sa estado ng katawan, emosyon at kabuuang kalusugan. Nariyan ang pananakit ng bahaging ibaba ng likod at pagbago ng disposisyon. Nagiging iritable at tila naglalaho ang gana sa seks. Mapapansin din ang mga pagbabago ng kilos at ugali tulad ng pagkalungkot, pagkabalisa,pagka-awa sa sarili, tamang hinala na wala namang malinaw na dahilan. Mababalot minsan ng kaba o labis na nerbiyos. O kaya’y mananahimik lang sa isang sulok. Ayon sa mga dalubhasa, ito’y mga senyales ng yugto bago mag-menopause ang babae. Dala marahil ang mga ito ng iba’t ibang pasanin sa pag-aalaga ng relasyong mag-asawa, pamilya, sa paghahanapbuhay, sa personal na mga adhikain. Matinding pagbabalanse ang nagaganap sa yugtong ito. Malamang na habang dumaranas ng mga emosyong pabagu-bago, patuloy ang pagkalinga ng mga babae sa mga anak, at sa kalaunan sa tumatandang magulang o sa mga bagong dating na apo. Nagti-timbang din siya sa relasyon sa asawa na dumaranas din ng sariling pagbabago sa katawan, isip at disposisyon. 

Sa lahat ng ito, paano nakakaraos ang babae? Siguro’y malaking tulong kung ang mga doktor, lalo na mga OB-GYN, ay nagsisikap ding alalayan ang sikolohikal at ‘di lang medikal na aspeto ng kalusugan at ng menopause. Pangunahin marahil ang detalyadong pagpapaliwanag sa mga natural na proseso at komplikasyong haharapin ng babae. Tiyak na maraming babae ang di pa talaga nakakaalam sa impormasyon at mga datos kaugnay ng menopause. May ilang doktor na nag-inisyatiba na sa direksyong ito. Mas maige kung ang pakikitungo ng mga medikal na propesyonal ay may oryentasyong titingin sa kabuuang aspeto ng kalusugan upang matutukan ang pagpapagaling ng buong pagkatao at di lang katawan.

Biyernes, Agosto 19, 2011

MOHON ng MORON


Ang laro sa pag-ibig
Depende sa kung sino ka
Depende sa konsiyensiya
Depende sa nararamdaman
Depende sa pagkagusto at layunin
Kanya-kanyang estilo ang lalaki
Pahaging-ligaw
Pakindat-tanaw
Palipad-pukol-halik
Kintab-sapatos at bihis-pogi
Kaibigang-tulay
Ligaw-rosas
Ligaw-tsokoleyt
Ligaw-restawran
Ligaw-sulat
Ligaw-kotse
Ligaw-bahay
Ligaw-paamo
Hinahanap ang kahinaan
Kinukumbinsing maige ang dilag
Ililigaw talaga ang isip ng babae
Sa daan papunta sa kanyang puso
O sa daan papunta sa kanyang pagnanasa
Sakaling nailigaw
Natutop ang palad
Naherohan ang labi
Nasaklit ang baywang
Nagawang ipikit ang langit at ilakbay-diwa
Sa halinghing ng pinagpapawisang buwan
Hanggang sumabog ang tik-tak ng orasan
Kumbinsidong nailigaw ang bisaklat na isip
Nang maitulos ang muhon ng pagmamay-ari
At sabugan ng binhi
Ngayon ay baligtad na ang ikot ng ruweda
Ang laro sa pag-ibig
Kanya-kanyang estilo ang panghuli
Mata ng dilag ay nangungusap
Hinuhuli ang tila ilap na awa
Haplos-karinyo
Halik-paakap
Hilig-dibdib
Salitang-lambing
Suyong-paangkin
Nasang tongian ang kusang-loob na pangako
Naninimbang sa andamyong pinanimbangan
Ng iniligaw na puso
Nananangan sa pag-asang hindi mabibigo
Tutuparing walang-sala ang mga ipinangako
Nitong morong nanligaw at nanuyo

Ang kargo ay nasa bisig ng moron
Ang laro sa pag-ibig
Depende sa kung sino ka
Depende sa konsiyensiya
Depende sa nararamdaman
Depende sa pagkagusto at layunin
Titingnan ng lalaki ang kuwartong inalinsangan
Makaraang ang binhi ay isabog sa pinitakan
At sinilip ang labas ng durungawan
Ang luwang ng laruan at takbuhan
Isip ay nangusap, sarili ay tinanong
Aariin ko ba ang tinundusan ng mohon...

MORON!!!

SCRABBLE


Para sa akin ay isang simpleng laro lamang, maliban sa pampatanggal ng inip sa tulad kong mainipin ay itinuturing ko itong ehersisyo ng aking utak. Di ko akalain na sa larong ito ay marami akong matututunan, hindi sa mga letra o sa mga salitang inilalatag kundi sa mismong kalaban ko sa larong ito. Natutunan ko hindi lang ang tamang pakikipagkaibigan... hindi lang ang tamang pakikipaglaro sa kalaban sa ano mang uri ng laro... Natutunan ko rin ang tamang pagpapahalaga sa kapwa ng may determinasyon at walang pinipiling oras o sukatan. Nakakataba ng puso para sa isang tulad ko na lumaki sa isang masalimuot na sitwasyon, nakakataas ng moral... 

Sa pamamagitan ng blog na ito ay iniaalay ko sayo ang isang taos pusong pasasalamat kaibigan,  hinding hindi kita makakalimutan habang ako'y nabubuhay. Umasa kang ibabahagi ko sa iba ang bawat aral na natutunan ko mula sa iyo, naway dumami pa ang lahi mo. Mabuhay ka my friend : )

Miyerkules, Agosto 3, 2011

SUSO mo ingatan mo...

Isa sa nga kinatatakutang sakit ng mga kababaihan ay ang cancer sa suso, ngunit kadalasan ay binabalewala ito ng karamihan sa atin, katwiran ay wala naman daw nararamdaman, hihintayin mo pa bang may maramdaman ka bago ka kumilos? Tandaan na ang cancer ay traydor, malalaman mo na lamang na meron ka nito kapag malala na. Dapat lang na pangalagaan at bantayan ang ating katawan, gawin itong everyday routine na tulad ng pangangalaga mo sa iyong mukha. Maging aware tayo bilang babae, sundin ang mga payong pangkalusugan tungkol sa kababaihan na tinatalakay sa mga magazine at tv. Gawin ito hindi lang para sa sarili kundi para na rin sa ating mga mahal sa buhay. Walang mawawala sayo, mas mabuti ng maging maagap. Mas masarap mabuhay at mas magastos ang mamatay lalo na kung hindi ka naman handa financialy and emotionaly.
Laging kapain ang paligid ng suso, paikot hanggang sa utong, kapain din ang ilalim ng kilikili, pakiramdaman kung may bukol o parang kulani pakiramdaman din kung masakit ang bahaging madidiinan ng daliri. Kung may maramdamang kakaiba magpakonsulta agad sa doctor. 


Ang bukol na masasalat mo sa suso mo ay maaaring cancerous, yan yung tinatawag na malignant. Ang ibang bukol naman na tinatawag na benign ay hindi humakalat at hindi nakakasira ng katawan. Pagdating sa usaping kanser ay hindi pa tiyak ang mga sanhi nito ngunit may mga dahilan na maaaring magpataas ng tsansa kung bakit may mga babaeng nagkakaroon nito. Maaaring may history sa pamilya, maagang pagkakaroon ng regla at hindi pagkakaroon ng anak.


Palatandaan ng cancer sa suso, bantayan mo ang suso mo.
- may makakapa kang bukol na matigas at hindi pantay ang hugis
- may pagbabago sa laki at hugis ng suso
- pagdurugo ng utong
- pagbabago ng kulay ng balat ng suso
- pagsusugat



Paano mababawasan ang risk factor?


- Magpa-mammogram at least once a year lalo na ang babaeng edad 40 pataas 
- Breast examination para sa mga babaeng edad 20 pataas
- Iwasan ang mga pagkaing may chemical
- Iwasan ang mga chemical based na panlinis ng bahay, kung hindi maiwasan at gumamit
   ay gumamit ng mask at gloves, buksan ang mga bintana upang sumingaw ang amoy.
- Iwasan ang pag-inom ng pills, humanap ng alternatibo
- Iwasan ang pag-inom ng alak
- Iwasan ang pagkain ng mga tindang inihaw sa kalye
- Ugaliing kumain ng gulay 


Kadalasan ay kinakailangan ang operasyon ng bukol sa suso, ang mas maagang pagpapaopera ay malaking tsansa upang gumaling ang pasyente. Wag magdalawang isip pa, magpatingin agad sa doktor kung duda ka sa suso mo. 










Martes, Agosto 2, 2011

SUZETTE... ang katapusan.

Paano naman ako makakapanood nito ang haba haba ng pila sa mga sinehan sa recto at avenida, karamihan puro lalaki pa, iilan lang ang babaeng nakita ko na nasa pila para manood ng pelikulang KIROT na pinagbibidahan ni STELLA STRADA.


"Ililibre ko kayo samahan nyo lang ako manood ng sine" sabi ko sa mga kaibigan kong si beth at boy. Habang nanonood kami ay tahimik lang ako, pinagmamasdan kong mabuti sa screen ang maamong mukha ni stella strada, hinihintay kong magawi ang camera sa isang bahagi ng katawan niya pero hindi nangyari, parang sinadyang iutos ng direktor sa camera man na iwasan ang bahaging yun ng katawan ni stella. Laging sa mukha nakafocus ang eksena, sa magandang katawan niya at sa iba pang katakam takam na eksena. Hindi naman garapal ang mga eksena, daring lang at sexy, hindi ako nasasagwaan sa pelikula lalo na't alam ko namang hindi siya ganon sa totoong buhay at alam kong hindi niya kayang gawin yun ng hindi naka-drugs.


Yun na ang una at huli kong panonood ng pelikula niya, sa mga, diyaryo at komiks na lamang ako nakibalita, naging cover pa siya minsan ng woman's magazine. Sikat na sikat na siya dahil sunod sunod ang mga pelikula niya, mga pelikulang ang pang-akit ay ang kagandahan ng katawan at ng kanyang inosenteng mukha. Hinahanap ko pa rin ang bahaging yun ng katawan niya, sa front page ng mga diyaryo at mga cover ng magazine at komiks, wala talaga... laging mukha niya lang ang nasa picture, kung may whole body man ay nakatagilid naman, naisip ko talaga nga sigurong iniiwas sa camera para di makita ng mga tagahanga. Hanggang sa maupong chairman ng MTRCB ( di ko sure kung mtrcb na nga ba noon) si EVA KALAW KATIGBAK, naging mahigpit sa mga pelikulang sexy, kasabay ng pagpasok ni stella strada sa isang charismatic group at magdesisyong wag ng gumawa ng mga sexy movies, naisip niyang kaya na niyang gumawa ng isang seryosong pelikula dahil seryoso naman talaga siya sa totoong buhay.


Pumasok ang mga buwan ng "ber" bihira na akong makabasa ng mga write ups tungkol kay stella strada. Yung mga pelikulang nagawa niya nung mga nakalipas na buwan ay makikita mo na sa mga sinehang nagpapalabas ng mga double picture. Natatabunan na ang pangalan niya ng mga pangalan ng ibang bold star. Hindi ko na rin siya masyadong iniisip. may mga ibang bagay na akong pinagkakaabalahan, may mga bago ng barkada, may bago ng bisyo at meron ng syota. Madalas na rin akong mag-absent sa klase.  Naalala ko pa yung sinabi sakin ni suzette nung magkita kami uli pagkatapos ng paalaman namin sa marillac "hahaha sige nga tingnan ko kung makakagraduate ka" nangingiti na lamang ako...


Katatapos lang ng pasko ng sumambulat ang malaking balita, napabangon ako sa higaan ko sa narinig kong balita sa am radio ng tatay ko, na sa sobrang lakas ay abot hanggang sa mga kapitbahay namin ang tunog. Ayon sa balita, patay na si stella strada, nagbigti....


Nakaupo lang ako sa higaan ko yakap ang tuhod, para akong naalimpungatan, hindi ko alam kung dapat kong paniwalaan ang balita. Maya maya pa ay pumasok ang nanay ko, may dalang kape, "patay na raw si stella strada" sabi niya. Hindi ako kumibo hanggang sa lumabas ang nanay ko, nag-iisip ako kung ano ang gagawin ko. Hindi ko naman alam ang address ni suzette sa sta. ana. Bandang tanghali ng lumabas ako ng kwarto, naligo at nagbihis, nagpaalam ako sa nanay ko na may pupuntahan lang. Dinala ako ng mga paa ko sa dorotheo jose, isang lugar na alam kong maraming nagmamahal kay suzette. Malungkot ang mga tao pagdating ko sa lugar, nakahalukipkip ang bawat madaanan ko, nagngangalit ang mga bagang. Kompirmado....


Patay na ang kaibigan ko... ang kaibigan kong si suzette.... 
si SUZETTE BISHOP a.k.a. STELLA STRADA


May mga bagay na hindi ko maaaring i-post, mga bagay na mananatiling misteryo para sa mga taong hindi nakakakilala kay suzette. At bilang respeto na rin sa aming pinagsamahan mananatili na lang itong isang masayang alaala sa akin, na minsan sa buhay ko ay nagkaroon ako ng isang napakagandang kaibigan. Marahil ay nagtataka kayo sa aking kwento kung ano ang bahagi ng katawan niya na hinahanap ko na sa tingin ko ay iniiwasang makita sa camera.
Noong magkasama kami sa marillac ay naglilinis kami ng kulungan ng baboy at pagkatapos ay nagbabasaan kami hawak ang tig-isang hose ng tubig kabisado ko yung mga peklat ng hiwa niya sa braso at ang tato niya sa likod malapit sa balikat "BCJ=32" ang nakalagay.


SUZETTE, kosa, karantso... wala lang... naalala lang kita at nasaan ka man ngayon, magkikita uli tayo, pangako yan...

Lunes, Agosto 1, 2011

SUZETTE part 1

"Parang totoo ah hahaha! Nag-aaral ka ba talaga o pumapasok ka lang dahil sa allowance? Bungad sakin ni suzette ng di sinasadyang magkita kami sa carriedo, kalalabas ko lang noon sa PCCR. "Magpupulis ka pa? Sige nga tingnan ko nga kung makagraduate ka hahaha!"


Di ako sigurado pero parang bangag si suzette nung mga oras na yun, niyaya ko siyang kumain pero ayaw niyang pumasok sa kahit saang food chain. Niyaya niya akong maglakad sa kahabaan ng avenida, may nadaanan kaming news stand na nagtitinda rin ng nakaplastik na kanin at ulam, bumili siya at naglakad uli kami papuntang dorotheo jose, pumasok kami sa isang eskinita, nagulat ako sa dami ng tambay na nakita ko sa looban. Isang compound pala yun na may isang luma pero malaking bahay na ginawang paupahan at karamihan ng nakatira doon ay mga police character. Kabilaan ang mga nagsusugal at mga sumisinghot ng rugby. "Hindi ako dito nakatira, dito lang ako madalas tumambay kasi mababait ang mga tao dito sakin," Medyo nagulat ako ngunit ang ipinagtataka ko ay ang nakita kong respeto ng mga tao kay suzette. mistulang reyna siya na pinagsisilbihan ng mga tao sa lugar na yun na ang tingin ko ay puro halang ang mga kaluluwa. "Kakain kami, karantso ko siya sa marillac" pakilala niya sakin sa mga tao roon, ngumiti sila sakin na nginitian ko rin. Sa unahan ng isang nakaparadang sirang kotse kami kumain, may nag-abot ng pinggan at isang pitsel na may yelo, kumain kaming nakakamay at pagkatapos ay uminom ng tubig doon din mismo sa pitsel.


"Kamusta naman ang buhay laya?" tanong niya sakin, kamustahan at masayang kwentuhan, may mga sandaling biglang seseryoso ang mukha niya habang patuloy na nagsasalita, makwento si suzette pero malumanay magsalita, halatang may breeding. Habang nag-uusap kami ay nakatitig ako sa mukha niya, napakaganda at maamo ang mukha, kulay pink ang kutis niya, mahaba ang buhok na natural ang kulot, mestisa sa madaling salita. Sa kabila ng kagandahan ni suzette ay maaaninag mo sa likod ng kanyang mga mata na may nakatagong lungkot, misteryosa ang dating ng mukha niya sa sinumang makakita, hindi mo siya maririnig na magsalita kapag hindi palagay ang loob niya sa tao, titingnan ka lang niya na parang nang-aarok.


Sa loog ng halos dalawang buwan ganon kami lagi ni suzette, madalas niya akong abangan sa labas ng  school. Mahilig siya sa puting damit at long sleeve, pantakip sa mga braso niyang puno ng hiwa na akala mo eh tinadtad. Madalas akong gabihin sa pag-uwi kapag kasama ko si suzette, doon lang naman kami sa dorotheo jose laging nakatambay, nagbibisyo, minsan umiinom kami ng gin na ang pulutan ay kwentuhan. Nanibago ako ng ilang araw ko nang di nakikita si suzette sa labas ng PCCR, sinubukan kong puntahan siya sa dorotheo. Tahimik ang paligid ng dumating ako, may isang buntis na lumapit sakin at sinabing ni-raid daw ang nasabing compund at kasama si suzette sa mga nadampot. "nasa tres si suzette puntahan mo na lang dun" sabi ng babaeng buntis, padilim na kaya naisip kong umuwi na lang at kinabukasan na lang ako pupunta sa nasabing presinto.


Nagbaon ako ng maraming pagkain, dadalhin ko sana kay suzette pero wala na siya sa presinto pagdating ko, nagpyansa daw. Namukhaan ko yung isang lalaking nakatayo sa tabi ng rehas, isa siya sa mga tambay sa dorotheo, ngumiti siya sakin. Nagpaalam ako sa desk officer na kung pwedeng lumapit, iaabot ko lang ang pagkain na dala ko sana para kay suzette at pagkatapos ay lumabas na ako at dumiretso na sa school. Hindi na kami nagkita ni suzette hanggang sa nabalitaan ko na lang na kinuha siya ng seiko film para mag-artista...

Biyernes, Hulyo 22, 2011

Wala ka pala eh...

Wala kang maririnig 
sa talsik ng laway na tumatakas sa bibig
kung ibig mo talaga akong pakinggan 
bunganga mo'y iyong takpan
Wala kang makikita 
sa simpleng pagsulyap sa aking mukha
kung ibig mong tumagos sa aking bungo 
liparin ang matang lawin sa aking sentido
Wala kang maaamoy 
na kabulukang sa utak mo'y dumadaloy
kung ibig mong bango ko'y masimsim 
itapon sa malayo ang ugaling mahangin
Wala kang masasabi 
ikaw na laging iniisip ay sarili
kung ibig mo talaga akong makatalik 
tuhugin ang lupa, laktawan ang halik
Wala kang matitikman, 
hindi mo ako kilala liban sa pangalan
kung ibig mong alindog ko'y malasap 
umangkas sa pawis ng mga naghihirap.


Biningi ka ng tsismis, binulag ka ng mangmang
binalinguyngoy ka ng korap,ginawa kang pipi ng sakim
Habang dila'y pinamanhid ng iyong takot sa pagbabago
magamot kaya ng pagpapatse patse ang sarili mong nagkaletse letse?


Susme! inalipin ka ng epidemya, inutil na ang lahat mong pandama!


Wala ka pala eh...



Linggo, Hulyo 17, 2011

KA-BLOG o KA-BLAG?

4 months and 2 weeks to be exact mula ng masumpungan kong magblog, testing lang nung una, curious eh syempre. Kalokohan pa unang blog ko na ibinasura ko na dahil daming tanong na bumagabag sa isip nung mga nakabasa (yun pala mas malala sila... pwe!) Tambay tambay sa chatroll ng isang partikular na blog site. "hi, hello, kamusta na, gandang umaga, eraaaaaaa" ganyan ang kadalasang eksena. TAE! hanggang dun lang pala yun...


Sa blog kung papasok kang mag-isa, lalabas ka ding mag-isa, ganun yun eh, wag ka na mag-expect, asa ka pa eh bat di ka mag-aral makipagplastikan tanga! Although ang blog ay isang outlet ng lahat ng uri ng pakiramdam, pwede kang magmura, pwede kang tumae, pwede kang dumura, pwede kang suminga, pwede kang magmahal, pwede kang magsalsal, pwede ka ring 
maging hangal, pwede kang sumigaw, pwede kang pumalahaw, pwede kang sumayaw at yun ang importante, kailangan mong sayawan ang mga tugtog nila at mahalagang marunong kang sumayaw dahil kung hindi... BLAG! sa kangkungan ka pupulutin...


Wag kang magmadali sa lahat ng aspeto, wag kang pasilaw sa dami ng comment, sa dami ng naglike, sa dami ng visitor. Step by step yan eh at bago ka makarating sa gusto mong puntahan para kang kotseng mapa-flatan, buti kung ganon lang... eh kung sumalpok ka? ligwak, laglag, diretso ka sa bangin ng sentimyento, bwenas mo pag may isa o dalawa na mag-aabot ng kamay sayo, kung meron pahalagahan mo, ingat lang baka ma-envelope ka panibagong expectation na naman yun.


Tutal naman ikaw ang hari ng site mo,gawin mo lahat ng gusto mo, tumuwad ka, magtumbling ka, mag-blog ka ng mag-blog hanggang sa mangarag ka. Dedma na lang sa mga negative reaction ng iba, sagabal sa pag-unlad yan. Dire-diretso lang, panatiliin mo lang na bukas ang isip mo, di mo naman sila kilala at di rin naman nila alam ang totoo kung ano ka at kung sino ka. Lagi mo lang tatandaan na hindi lahat ng KA-BLOG ay KA-BLAG, makakasumpong ka rin... era. 

Linggo, Hulyo 10, 2011

Kasiyahan sa rurok ng tagumpay

"TAGUMPAY" ang salitang madalas gamitin upang mailarawan ang katuparan, pero ang totoo mahirap hanapin ang tunay na kahulugan nito.


Isang kaibigan mula sa hukbong sandatahan ang aking nakakwentuhan minsan, sabi niya "Ako ay masaya sapagkat bago ako dumating sa kalagitnaan ng aking buhay ay nakapagpatayo na ako ng bahay at may matatag na hanapbuhay, bukod pa sa aking maliit na negosyo kung kaya medyo nakakaluwag kami sa buhay at higit sa lahat masaya ang aking pamilya. Para sakin ito ay isa ng malaking tagumpay." 


Wika naman nung magbobote na pumipik-ap sa tuwing may kalakal ako dito sa bahay nang tanungin ko siya kung ano para sa kanya ang tagumpay, "Mam kuntento na kami ng pamilya ko sa simpleng buhay, nakakakain kami ng tatlong beses isang araw, malulusog at nakakapag-aral ang mga anak ko at higit sa lahat masaya kami, para sakin yun ay isa ng simpleng tagumpay".


Kanya kanyang opinyon at paglalarawan ng tagumpay sa magkaibang lebel ng buhay.


Ngunit ang tagumpay ay nagpapahiwatig ng pakikibaka o pakikipagbuno laban sa iba't ibang pwersa at kapag nalampasan mo ang mga pwersang ito na humahadlang sa mithiin mo ay maaari ka na tawaging matagumpay. At para maging matagumpay, dapat pangarapin mo ang isang bagay at magsumikap para makamit ito. 


Napakaraming mukha  ng tagumpay.... 


Ang isang artista kapag nakatanggap ng best acting award, siya ay tagumpay.  


Ang isang pulis kapag nakahuli ng kriminal, siya ay tagumpay.


Ang pagtatalik na nakarating sa climax, sila ay tagumpay
( o di ba tagumpay yun? )


Ang mga writer o blogger na kahit hindi premyado ngunit mayaman sa idea, sila ay tagumpay


Magkaiba naman ang tagumpay at swerte, tulad na lamang ng mga nananalo sa lotto, sila ay maswerte...


Sa kabila ng pagsasabing para maging matagumpay ay kailangang sagana sa mga materyal na bagay ay nagkakamali sila, dahil lahat yan ay di mo naman madadala sa hukay. 


Masasabi kong hindi ako tagumpay sa pinakapayak at masalimuot na depenisyon ng salita, pero hindi ako nagugutom. Hindi man madalas ay nagagawa ko ang mga bagay na gusto kong gawin. Sapat na sa akin na nakakabili ako ng mga bagay na gusto kong bilhin , nakakabayad ako ng mga monthly bills sa takdang oras. Hindi ko naman pinangarap na yumaman na tulad ng mga Zobel at Ayala. Hindi ko rin naman maituturing na tagumpay yun. 


Para sa akin, kung sa palagay mo ay natapos mong lahat ang iyong mga gawain at responsibilidad at sa tingin mo'y handa ka ng harapin ang paglubog ng araw sa iyong buhay ng may ngiti sa labi, yun ang tunay na "TAGUMPAY"   


Huwebes, Hulyo 7, 2011

Minsan may isang saudi boy...

Kay bilis ng panahon, tatlong taon na mula ng makilala kita. Ayaw sana kita kilalanin pero makulit ka, mula ng ibinigay sayo ng kaibigan natin ang cp number ko hindi mo na ko tinantanan, kahit oras ng trabaho kapag nalingat ang amo mong arabo tatawag ka. Madalas kasarapan ng tulog ko mang-iistorbo ka, hindi mo na inisip na alas dos ng madaling araw dito habang alas diyes naman ng gabi dyan sa kinalalagyan mo. Nuknukan ka ng kulit, kahit minumura na kita ok lang sayo parang musika pa nga sa pandinig mo kapag naiinis ako tuwang tuwa ka pa. Kapag sumasapit ang biyernes maaga pa lang nasa net ka na inaabangan moko mag-online dahil nakasara cp ko, sinasadya kong wag buksan dahil nakukulitan ako sayo. Ang lakas pa ng loob mo na invite ako sa cam hindi ka naman kagwapuhan, kahit hindi ako magsuklay lagi mong sinasabi ang ganda ganda ko na tanging nanay ko lang ang nagsasabi, ngayon dalawa na kayo. Di naman kita mapatayan ng computer kasi kapapadala mo lang sakin ng package, laman ang mga paborito kong lagi mong tinatanong noon, hindi ka pa nasiyahan nag-open ka pa ng account para sakin. Hindi kita magawang iwasan dahil ang bait bait mo, na hindi ko maintindihan kung bakit mo ginagawa sakin ang mga ganong bagay eh hindi ka naman nanliligaw. Sa tuwing kausap kita ang madalas mo lang sinasabi ay "kamusta ka", "kumain ka na ba", "mag-iingat ka lagi era" hindi ko alam kung ano motibo mo. Ayoko isiping mahal moko kasi walong taon ang tanda ko sayo, kinikilabutan ako tuwing maiisip ko na may relasyon tayo. O baka naman sa isip ko lang yun, baka malisyosa lang ako masyado, baka naman ate lang ang turing mo sakin...

Tatlong araw bago magpasko dumating ka dito sa bahay namin, habang naiilang ako ikaw naman ay kampanteng magpaikot-ikot sa sala namin, hindi kita kinakausap kasi hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko sayo, nagulat kasi ako sa biglang pagdating mo. Nakipagkwentuhan ka sa nanay ko habang niluluto ko ang dala mong ulam na binili mo sa palengke bago ka nagpunta dito. Tahimik lang ako at nakikiramdam sayo, paminsan minsan sumasagot sa mga tanong mo. Nung makaluto na ako ay kumain na tayo, nakakamay ka lang na parang walang pakialam sa mundo. habang tuwang tuwa ang nanay ko sa mga kilos mo ay nag-iisip ako... ano ba talaga meron kami ng lalaking ito?

Bisperas ng pasko dumating ka uli, ang dami dami mong dala, "pang-noche buena" sabi mo. Labag sa loob kong kunin pero andito ka na at pinaiiral mo na naman ang kakulitan mo. Bago mag-alas dose umalis ka at bumalik na naman kinabukasan, ganon lang lagi, aalis at darating ka na hindi malinaw sakin kung ano meron tayo kasi parang ordinaryo lang pakikipag-usap mo sakin, walang something... December 29,2009 bumalik ka sa jeddah, dyan ka na din nagcelebrate ng new year sa piling ng mga dating kasama sa trabaho, after that, busy ka na uli hanggang minsan nabasa ko sa fb mo may nagmessage sayo, "hi daddy" eka nung message, tinanong kita sa text kung sino yun, sagot mo "ay era asawa ko yun, sorry hindi ko nasabi agad sayo...." Nawindang ako, anlabo ng putangna!!!

Miyerkules, Hulyo 6, 2011

LIBERTY

Kalayaan... yan ang palagi kong hangad sa buhay, ang magsalita ng malaya, kumilos ng malaya, mamuhay ng malaya at magmahal ng malaya. Nang walang pupuna, walang magagalit, walang tatanggi at walang magtatanong, pero imposible... Hindi ko pag-aari ang mundo, wala akong kapasidad na gawin ang lahat ng  yun, maliban na lamang sa imahinasyon o sa panaginip, doon ay malaya kong magagawa ang lahat. Mahirap mang tanggapin, mas masarap pa ring mamuhay sa reyalidad, bumagsak ka man hindi ka masyadong masasaktan sapagkat alam mo na ang iyong kahahantungan, depende na lamang yan sa pagtanggap mo at ng mga taong nakapaligid sayo... sentimyento ko lamang yan pero hindi yan ang topic ko wehehehe :p


Si Liberty po ay tao, magandang babae, may pusong mapagmahal at tulad ko ring ang hanap ay kalayaan, na kaya pinangalanang liberty ay dahil bumibertdey tuwing sasapit ang ika-12 ng hunyo. Dating kaeskwela nung uso pa ang nutribun  at katropa nung uso pa ang kending kulangot at tira-tira. Napadpad sa bansang Kuwait, namuhay ng walang kalayaan, nagmahal ng walang hangganan. Ngunit sadyang mapagtiis, pinagpala ng diyos at nabiyayaan ng yaman, dagdagan pa ng isang anak na bukod sa maganda at matalino ay mabait pa. Every year ay umuuwi sila ng pinas upang namnamin ang karapatang maging malaya. Gimik dito gimik dun, gala dito gala doon, halos libutin ang pinas kapag may pagkakataon. With matching mini skirt o kaya short na maong. kumpara sa kuwait na mistulang suman na nakabalot sa loob ng isang taon. Makikita mo sa mga mata niya ang kasiyahan, mararamdaman mo ang kalayaan, Walang pagkukunwari, walang yabang sa katawan, umulan bumagyo hindi ka iiwanan...
Sa katapusan ng buwan ay muli na naman siyang babalik sa bansang pinanggalingan, magmimistula na namang suman, de numero na naman ang kalayaan. Don't worry kaibigan habang may next year ay laging mananatili ang iyong KALAYAAN....

Linggo, Hulyo 3, 2011

Cebu Rhapsaday : )

                                                                        CEBU
                                              panibagong lugar, panibagong karanasan


Sa kauna-unahang pagkakataon nagdiwang ako ng kaarawan sa ibang lugar na hindi kasama ang mga mahal ko sa buhay. "Minsan lang" pakiusap ko kay iyah at kay mama... minsan lang sa buhay ko na makasama ang mga taong naging bahagi ng aking kamusmusan. "Minsan lang" pakiusap ko sa paborito kong aso na si bunso na hindi umaalis sa harap ng gate namin everytime na umaalis ako ng bahay. "Minsan lang" mensahe ko sa mga kalugar, kapitbahay at mga matatalik na kaibigan sabay takbo ng walang paalam. "Minsan lang" ako makakarating ng cebu... minsan lang akong sasakay ng eroplano... pagbigyan nyo na ko kahit ngayon langgg... wink!
                                               Havey, haberdey, it's my day, rhapsa day


Mactan Int'l Airport 10:30am, arrival area pa lang umaatikabo na ang tawanan, tilian na parang may mga tililing lang. Sa wakas nameet ko na si POW 77, ang powgi at ang sarap sakyan, nakipagsabayan ang lamig niya sa init ng panahon sa mga nag-iinit naming kasabikan kasabay ng pag-iinit ng mga mata sa nagbabagang luha na muntik na maging muta dahil sa sobrang init ng pagtanggap sa amin ni che. Kasabay ng pag-abot ng dalawang box na Tongkat Ali, isang espesyal na kape. Isipin mo nga, sa kabila ng pagiging abala ng ale eh nagawa pang alalahanin ang iinumin naming kape para sa mga darating na umaga namin sa cebu, o di ba? saan ka pa?
                                                                 kainan na!!!


Sabi ng tatay ko nung nabubuhay pa, wag daw ako kakain ng talaba dahil ang talaba daw ay nakamamatay. Tutal naman wala na ang tatay kong mahal, aba'y sa sarap ng pagkaing nakahain eh patay kung patay, "minsan lang" naman mamamatay eh hehehe... Sariwang talaba, sariwang pusit, sariwang hipon, sariwang gulaman, sariwang tilapya na sinlaki yata ng hita ko yun na niluto kasama ng masasarap na rekado, sinundan pa ng panghimagas na manggang hilaw shake weeeh  ala eh napasayaw tuloy ako "shake shake shake, shake shake shake, sarap matulog" \:D/  
                                                           Crown Regency Hotel


Nagpahinga lang kami ng konti larga na agad, walang humpay na inuman, sayawan, kantahan, tawanan, piktyuran, at may bonus pang telenobela live, starring aljhur at kris hahaha =)) kumpletos rekados, wala kang itatapon na moment talaga naman, mapagising man o mapatulog tuloy tuloy ang sound trip =)) Ibang klaseng karanasan na hinding hindi ko makakalimutan hanggang sa dumating ang panahong kailangan ko ng maupo sa silyang tumba tumba. Hinding hindi kayo mawawala sa alaala ko magpakaylan man. Thank you guy's : )
                                                    

Biyernes, Hunyo 24, 2011

Paalam FALCON....

"Salamat FALCON sa iyong pagdaan at pag-anyayang sumabay sayo... "hindi na no" marami akong bagay na dapat isaalang-alang at mas maraming mahalagang bagay akong dapat na pagtuunan ng pansin...




Bulong ko sa ulan habang dumadaan si FALCON, kasabay ng panalanging wag sanang matumba ang antenna ng broadband ko sa sobrang lakas ng hanging iwinawasiwas ng palalong bagyo... Awa ng diyos, hindi nawala ang connection ko, tuloy sa pagtipa kasabay ng pagbuga ng usok mula sa sigarilyong hawak ko.


Wala na ang malakas na hangin... mahinang ulan na lamang na tila isang hikbi mula sa pusong pagod na sa pagtangis. Isang pusong ang tanging hangad lamang naman ay magmahal ng walang hinihinging kapalit. Isang pusong nagdaramdam kapag nasasaktan, isang pusong nagpapahalaga lamang sa bawat nakapaligid sa kanya. Bakit nga ba may mga nilalang na kapos sa pang-unawa ngunit sagana sa diskriminasyon at pagiging makasarili, mga nilalang na sa unang tingin ay aakalain mong ginto ngunit isa lamang palang makinang na tanso.


Kailangan pa bang mag-aral muli at matuto upang maiwasto ang maling totoo? Mangmang ba ang pusong nasaktan o sadyang matalino ang pusong nananakit ng nagmamahal? Panibagong karanasan ang hatid sa akin ng dakilang ulan. Hindi lahat ng kumikinang ay ginto, hindi lahat ng ngiti ay may galak at hindi lahat ng nilalang ay may puso, mabuti pa ang saging...


At sa paglipas ng oras, tulad ng ulang umaalpas, ang hikbi ay mapapawi rin, ibabaon sa limot ang bangungot ng nakaraan,
ituloy ang tagay ng buhay na siyang tanging pumapawi ng lumbay. PAALAM FALCON....

Martes, Hunyo 21, 2011

KAIBIGAN... hanggang saan?



Kaibigan... ano nga bang klaseng kaibigan meron ka? in good times and bad times ba? dumating na ba sa puntong lahat ng sikreto mo ay alam niya na? Mapagkakatiwalaan ba siya sa lahat ng pagkakataon? Maswerte ka kung ganyan ang kaibigan mo... eh paano kung ganito?


-- nakangiti pag kaharap ka ngunit pagtalikod mo kung ano-ano pala sinasabi sa iba
-- kasama mo sa happenings, sa halakhakan, sa harutan sa asaran ngunit pagtalikod mo 
    ay ikaw na pala ang kanilang pinag-uusapan at pinagtatawanan
-- lahat ng papuri ay maririnig mo sa kanya ngunit inuuto ka lamang pala
-- sa kabila ng pagiging totoo mo ay madidiskubre mong pinaplastik ka lamang pala niya


Masakit di ba? kasi nagtiwala ka. Ang kaibigan pala parang bf din, nangangailangan ng commitment, nangangailangan ng sakripisyo, kalangan mong magtiwala, kailangan mong maniwala, mga sangkap para tumibay ang isang tunay na pagkakaibigan. May mga relasyong may sangkap ng pagkakaibigan tulad ng mag-asawa, mag-boyfriend, magkapatid, mag-ina at mag-ama, isang advantage na nagpapatibay ng friendship. May kaibigang simula pa sa pagkabata, elementary, high school at college. May kaibigan sa inuman lang. may kaibigan na kaya mo lang nasabing kaibigan ay dahil nauutangan mo. May kaibigan sa facebook lang. Iba't ibang level at aspeto ng pagkakaibigan, ano man ang meron ka dito ay pahalagahan mo sapagkat doon nagsisimula ang isang matibay na pundasyon tungo sa makabuluhang pakikipagkaibigan... Ikaw na nagbabasa nito, kilala mo ba kung sino ang kaibigan mo???

Martes, Hunyo 7, 2011

KM2: Panaghoy ng langit...

                     http://jkulisap.com/2011/06/km2-resulta/



Sa pusikit na karimlan hinaharot ng alon ang mga dikya sa dalampasigan, nagbabadya ang langit, nauulinigan ko ang alingawngaw ng hanging habagat, sa wari'y may paparating na unos. Sa malakas na pagaspas ng manananggal sa kaparangan, animo'y dambuhalang dumadaluhong, nabulabog ang mga manggagawa ng pulot-pukyutan, mistulang mga banal na yumuyukod ang bawat madaanan, mabalasik, tumitimo sa bawat himaymay ng aking laman ang kanyang kalupitan, nakapangingilabot... 

Ano pa't nagsisimula ng managhoy ang langit, mababakas mo sa bawat halinghing ang kanyang mga adhika at pagnanasang makalaya, sindak, di mawari kung saan susuling. Kasabay ng kulog at kidlat unti-unti ko nang nararamdaman ang pag-agos ng dugo sa aking katawan, nais ko nang panawan ng ulirat... Wala na... naglaho ng lahat ang mga pangarap kasabay ng pagtakas ng isang pangako... Nagsimulang umapaw ang lawa, at sa bawat sayaw ng kaluluwang uhaw ay dumadaloy ang tubig ng buhay tungo sa yungib ng aking kamalayan... 
Ayoko na... hirap na hirap na ako... parang awa nyo na... Basang-basa na ang aking pagkatao, nais ko nang umahon sa mundong  puno ng lugami, maharlikang mapang-api. Tadtad na ng peklat ang aking kaisipan, hapong-hapo  na ang aking kuyukot sa labis na panibugho. Nakikiusap ako ibalik nyo ang aking dangal at karapatan, nais kong mamuhay at kumilos sa daigdig kung nasaan ang kapayapaan. Ikaw na mapang-alipustang mundo pakawalan mo ang mga ibon sa himpapawid, hayaang lumaya ang mga isdang gala, wag mong ikulong sa mga palad mo ang kapiranggot na hanging hinihinga ko, wag mong ipainom sa akin ang tubig na sing-itim ng dilim... nakikiusap ako... huwag...

Salamat... salamat sa dakilang pag-ibig, unti-unti mong itinutuwid ang aking landas, muling binubuo ang pira-pirasong pagkatao, isang hugot ng balaraw mula sa kaibuturan ng aking puso, napawi ang lahat ng kirot at pangamba, muling umawit ang pag-asa, sumayaw ang mga aninong nangangalumata, napawing lahat ang pagdurusa, Nulas sa labi ang mga ngiti, hatid nito'y luwalhati. Dalhin mo ako sa bahagi ng mundong ito kung nasaan ang kapanatagan upang sa pagsilay ng bukang liwayway ay aking matanaw ang pagkaway ng panibagong pag-asa... kasabay ng muling pagdaloy ng aking diwa.

Lunes, Hunyo 6, 2011

Let's go sago!

Muntik ng mapatid ang ulirat ko sa 16 na salitang kailangang isahog sa aking sanaysay, sa ayaw ko't sa gusto wala akong magagawa, bawal sumuway sa patakaran. At bilang mamamayan na sumusunod sa kasabihang "sa ikauunlad ng bayan, blog ang kailangan" ay kailangan kong gawin ito at hanapan ng puwang upang makumpleto ang aking entry. Lakas ng loob at kapal ng mukha ang puhunan ko dito, wapakels sa mga naglalakihang manunulat na karamihan sa kanila ay aking iniidolo pangalawa sa bebe ko (nakakaumay nga bebe ko :)
goodluck po sa lahat ng mga sasali, maging patas po sana tayo hindi lang bilang kalahok kundi bilang hurado na rin. Ipinagmamalaki kong isa ako sa mga lalahok sa KM2: DALOY DIWA

Sabado, Hunyo 4, 2011

Ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal... PART 3



"Dapa dapa! lagay sa ulo ang dalawang kamay! Anong nakain mo suzette at popoga ka?  Nandamay ka pa....
Nagkatinginan na lang kami ni suzette, walang imik na tumayo at naglakad papuntang admin office."Makakarating ito sa mga magulang mo era at isang buwan kang hindi makakatanggap ng dalaw." Ah leche kayo gawin nyo kung ano gusto nyong gawin! Dinala kami sa bartolina at in fairness, taliwas sa inaasahan ko ang bartolina sa kumbento, malinis, tahimik, presko at higit sa lahat walang task, kain tulog lang sa loob ng isang buwan, kapag sinuswerte ka nga naman.... 


Pero wala pang isang linggo inilabas kami at muling dinala sa admin  office, andun ang nanay ko at naroon din ang lola at daddy ni suzette na isang sikat na jockey sa sta. ana nung mga panahong yun. Kastilaloy pala ang lahi ni suzette kaya pala iba itsura niya. Paglabas namin ng office diretso na kami sa dating cottage, back to normal, tanungan ang mga kasamahan namin sa room."Ano nangyari bakit pinalabas agad kayo? Hindi rin namin alam ang dahilan...


Mga ilang araw pa ang lumipas release na si suzette, pumarada ang kotse nila sa harap ng cottage, lumabas si suzette at may kinuha sa kotse, mga pagkaing masasarap, ibinigay niya sakin lahat pati mga stock niya sa locker, ako na rin ang umokupa sa dating locker niya. Bago tuluyang umalis bumulong cya sakin "magkita tayo sa laya era, wag ka na tumakas, tapusin mo pag-aaral mo dito" iyakan kami ng konti at hanggang makalabas ng gate ay nakasilip cya sa bintana ng kotse at kumakaway sa amin. 


Lumaya na ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal...


Nag-focus ako sa pag-aaral at sa ibang mga activities sa loob ng kumbento. Hanggang sa dumating ang araw ng pagtatapos ko sa sekondarya, at nung araw ding yun mismo ay nai-release ako at kasama na sa pag-uwi ng nanay ko, Pakiramdam ko bagong tao na ako nung mga oras na yun hanggang sa makarating kami sa bahay, may konting handa kaming pinagsaluhan at ayon sa nanay ko matagal na palang gawa ang release paper ko, hinintay lang niya ang graduation day ko.


Nag-enroll ako sa PCCR at sa paglipas ng mga araw, sa kahabaan ng carriedo ay muling nagtagpo ang landas namin ng aking kaibigang prinsesa.... Ngunit panibagong kabanata na po yun... saka na... pagkatapos ng patimpalak ni kulisap :)

Huwebes, Hunyo 2, 2011

Ang prinsesa sa likod ng rehas na bakal... PART 2

Tangna nakakahilo, pagkagising rosaryo agad, di man lang  muna kami pinagkape...hayyy salamat natapos din ang ika-limang misteryo, diretso na sa kitchen, bawal umupo agad, kailangan mo munang maghugas ng kamay. Magdadasal na naman... peste! ako pa naatasang mag-lead sa dasal eh anong malay ko naman. Hindi raw kami pwedeng kumain hangga't di nagdarasal, masama na ang tingin sakin ng mga kasamahan ko dahil sila man ay hilo na rin siguro sa gutom. "Panginoon maraming salamat po sa almusal, amen." Hagikgikan ang mga kasamahan ko. "Ikaw uli ang magli-lead mamaya at hindi ganyan ang tamang pagdarasal, dapat ay taimtim at taos sa puso ang iyong pasasalamat." Bahala ka sa buhay mo, wala ako panahon sa litanya mo...May mga nakatoka sa house keeping, wala pa akong assignment, salamat naman, matutulog uli ako. Ngunit hindi pala dapat ganon...


"Era kumuha ka ng piko sa bodega at sisimulan mo ngayong araw na ito ang iyong hard labor, isang buwan kang gagawa ng balon." Tangina talagaaa...buti pa sa city jail masarap ang buhay ko, di tulad dito de numero lahat ng kilos ko, ultimo pag-gamit ng cr may oras. Hindi ko kaya... kailangan makagawa ako ng paraan. Alas nuebe ng gabi nasa kwarto na ang lahat, patay ng lahat ang mga ilaw, ang bombilyang nasa poste sa labas ang tanging nagbibigay ng liwanag sa kwartong apat kaming umoukupa. Di ko alam kung tulog na yung dalawa o nakikiramdam. Gising pa si suzette, "yosi gusto mo?" pabulong... kumuha ako ng isa at nagsindi, nag-usap kami sa pamamagitan ng bulungan at senyasan at nung gabing yun, nabuo ang isang pagkakaibigan. Dalawang taon na si suzette sa lugar na yun, pinagkakatiwalaan ng magbigay ng task sa mga inmate. Maganda cya, maamo ang mukha, blondie ang buhok, maganda ang kutis maliban sa braso na puro peklat na bunga ng paglalaslas. Kinabukasan ganon na naman, sa araw araw na ginawa ng diyos ganon lagi ang routine namin na nakasanayan ko na rin. At sa pamamagitan ni suzette, nairerekomenda niya ako sa mga magagaang ngunit mahahalagang gawain, natapos ko na rin ang hard labor ko at nakakakilos na ako ng maayos. Tuwing linggo may dumarating na charismatic group upang magturo ng piano, guitar at mga kantang inaawit kapag may misa, doon ko na rin itinuloy ang pag-aaral ko kapalit ng donasyon na ibinibigay ng magulang ko. Nalibang ako at naging aktibo, wala akong pinalalampas na event, singing contest, dance contest at sport tournament, lahat yan sinalihan ko, itinatabi ko ang mga premyo at award na natatanggap ko at ipinapadala ko sa nanay ko sa tuwing dinadalaw ako. 


Bagamat nalilibang ako ay di pa rin mawala sa isip ko ang kagustuhang makalabas at muling malanghap ang hangin sa laya. Nababasa pala ni suzette ang nasa isip ko... pareho pala kami lagi ng iniisip... 


Natoka kaming gumawa ng pandesal para sa agahan kinabukasan, pareho kaming naka-rubber shoes nung gabing yun, nakahanda sa habulang magaganap kung sakali man. Ala-una na ng madaling araw, tapos na kaming magmasa, naghihilik na rin si sister anette sa upuan niya. Sumenyas si suzette, dahan dahan kaming lumabas sa store room, binaybay namin ang pathwalk papunta sa main gate... Madilim ang paligid, maliksing kumilos si suzette, malapit na kami sa gate, konti na lang... BANG!