DALOY DILA


WALA WALA WALA!

Wala kang marinig
sa talsik ng laway na tumatakas sa bibig
kung ibig mo talaga akong pakinggan
bunganga mo'y iyong takpan

Wala kang makita 
sa simpleng pagsulyap sa aking mukha
kung ibig mong tumagos sa aking bungo
liparin ang matang lawin sa aking sentido

Wala kang maamoy 
na kabulukang sa utak mo'y dumadaloy
kung ibig mong bango ko'y masimsim
itapon sa malayo ang ugaling mahangin

Wala kang masasabi
ikaw na laging iniisip ay sarili
kung ibig mo talaga akong makatalik
tuhugin ang lupa, laktawan ang halik

Wala kang matikman
hindi mo ako kilala bukod sa pangalan
kung ibig mong alindog ko'y malasap
umangkas sa pawis ng mga naghihirap

Biningi ka ng tsismis
binulag ka ng mangmang
binalinguyngoy ka ng korap
ginawa kang pipi ng sakim

habang dila'y pinamanhid
ng iyong takot sa pagbabago
magamot kaya ng pagpapatse patse
ang sarili mong nagkaletse letse?

Susme! inalipin ka ng epidemya
inutil na ang lahat mong pandama!