Biyernes, Hunyo 24, 2011

Paalam FALCON....

"Salamat FALCON sa iyong pagdaan at pag-anyayang sumabay sayo... "hindi na no" marami akong bagay na dapat isaalang-alang at mas maraming mahalagang bagay akong dapat na pagtuunan ng pansin...




Bulong ko sa ulan habang dumadaan si FALCON, kasabay ng panalanging wag sanang matumba ang antenna ng broadband ko sa sobrang lakas ng hanging iwinawasiwas ng palalong bagyo... Awa ng diyos, hindi nawala ang connection ko, tuloy sa pagtipa kasabay ng pagbuga ng usok mula sa sigarilyong hawak ko.


Wala na ang malakas na hangin... mahinang ulan na lamang na tila isang hikbi mula sa pusong pagod na sa pagtangis. Isang pusong ang tanging hangad lamang naman ay magmahal ng walang hinihinging kapalit. Isang pusong nagdaramdam kapag nasasaktan, isang pusong nagpapahalaga lamang sa bawat nakapaligid sa kanya. Bakit nga ba may mga nilalang na kapos sa pang-unawa ngunit sagana sa diskriminasyon at pagiging makasarili, mga nilalang na sa unang tingin ay aakalain mong ginto ngunit isa lamang palang makinang na tanso.


Kailangan pa bang mag-aral muli at matuto upang maiwasto ang maling totoo? Mangmang ba ang pusong nasaktan o sadyang matalino ang pusong nananakit ng nagmamahal? Panibagong karanasan ang hatid sa akin ng dakilang ulan. Hindi lahat ng kumikinang ay ginto, hindi lahat ng ngiti ay may galak at hindi lahat ng nilalang ay may puso, mabuti pa ang saging...


At sa paglipas ng oras, tulad ng ulang umaalpas, ang hikbi ay mapapawi rin, ibabaon sa limot ang bangungot ng nakaraan,
ituloy ang tagay ng buhay na siyang tanging pumapawi ng lumbay. PAALAM FALCON....