Martes, Agosto 2, 2011

SUZETTE... ang katapusan.

Paano naman ako makakapanood nito ang haba haba ng pila sa mga sinehan sa recto at avenida, karamihan puro lalaki pa, iilan lang ang babaeng nakita ko na nasa pila para manood ng pelikulang KIROT na pinagbibidahan ni STELLA STRADA.


"Ililibre ko kayo samahan nyo lang ako manood ng sine" sabi ko sa mga kaibigan kong si beth at boy. Habang nanonood kami ay tahimik lang ako, pinagmamasdan kong mabuti sa screen ang maamong mukha ni stella strada, hinihintay kong magawi ang camera sa isang bahagi ng katawan niya pero hindi nangyari, parang sinadyang iutos ng direktor sa camera man na iwasan ang bahaging yun ng katawan ni stella. Laging sa mukha nakafocus ang eksena, sa magandang katawan niya at sa iba pang katakam takam na eksena. Hindi naman garapal ang mga eksena, daring lang at sexy, hindi ako nasasagwaan sa pelikula lalo na't alam ko namang hindi siya ganon sa totoong buhay at alam kong hindi niya kayang gawin yun ng hindi naka-drugs.


Yun na ang una at huli kong panonood ng pelikula niya, sa mga, diyaryo at komiks na lamang ako nakibalita, naging cover pa siya minsan ng woman's magazine. Sikat na sikat na siya dahil sunod sunod ang mga pelikula niya, mga pelikulang ang pang-akit ay ang kagandahan ng katawan at ng kanyang inosenteng mukha. Hinahanap ko pa rin ang bahaging yun ng katawan niya, sa front page ng mga diyaryo at mga cover ng magazine at komiks, wala talaga... laging mukha niya lang ang nasa picture, kung may whole body man ay nakatagilid naman, naisip ko talaga nga sigurong iniiwas sa camera para di makita ng mga tagahanga. Hanggang sa maupong chairman ng MTRCB ( di ko sure kung mtrcb na nga ba noon) si EVA KALAW KATIGBAK, naging mahigpit sa mga pelikulang sexy, kasabay ng pagpasok ni stella strada sa isang charismatic group at magdesisyong wag ng gumawa ng mga sexy movies, naisip niyang kaya na niyang gumawa ng isang seryosong pelikula dahil seryoso naman talaga siya sa totoong buhay.


Pumasok ang mga buwan ng "ber" bihira na akong makabasa ng mga write ups tungkol kay stella strada. Yung mga pelikulang nagawa niya nung mga nakalipas na buwan ay makikita mo na sa mga sinehang nagpapalabas ng mga double picture. Natatabunan na ang pangalan niya ng mga pangalan ng ibang bold star. Hindi ko na rin siya masyadong iniisip. may mga ibang bagay na akong pinagkakaabalahan, may mga bago ng barkada, may bago ng bisyo at meron ng syota. Madalas na rin akong mag-absent sa klase.  Naalala ko pa yung sinabi sakin ni suzette nung magkita kami uli pagkatapos ng paalaman namin sa marillac "hahaha sige nga tingnan ko kung makakagraduate ka" nangingiti na lamang ako...


Katatapos lang ng pasko ng sumambulat ang malaking balita, napabangon ako sa higaan ko sa narinig kong balita sa am radio ng tatay ko, na sa sobrang lakas ay abot hanggang sa mga kapitbahay namin ang tunog. Ayon sa balita, patay na si stella strada, nagbigti....


Nakaupo lang ako sa higaan ko yakap ang tuhod, para akong naalimpungatan, hindi ko alam kung dapat kong paniwalaan ang balita. Maya maya pa ay pumasok ang nanay ko, may dalang kape, "patay na raw si stella strada" sabi niya. Hindi ako kumibo hanggang sa lumabas ang nanay ko, nag-iisip ako kung ano ang gagawin ko. Hindi ko naman alam ang address ni suzette sa sta. ana. Bandang tanghali ng lumabas ako ng kwarto, naligo at nagbihis, nagpaalam ako sa nanay ko na may pupuntahan lang. Dinala ako ng mga paa ko sa dorotheo jose, isang lugar na alam kong maraming nagmamahal kay suzette. Malungkot ang mga tao pagdating ko sa lugar, nakahalukipkip ang bawat madaanan ko, nagngangalit ang mga bagang. Kompirmado....


Patay na ang kaibigan ko... ang kaibigan kong si suzette.... 
si SUZETTE BISHOP a.k.a. STELLA STRADA


May mga bagay na hindi ko maaaring i-post, mga bagay na mananatiling misteryo para sa mga taong hindi nakakakilala kay suzette. At bilang respeto na rin sa aming pinagsamahan mananatili na lang itong isang masayang alaala sa akin, na minsan sa buhay ko ay nagkaroon ako ng isang napakagandang kaibigan. Marahil ay nagtataka kayo sa aking kwento kung ano ang bahagi ng katawan niya na hinahanap ko na sa tingin ko ay iniiwasang makita sa camera.
Noong magkasama kami sa marillac ay naglilinis kami ng kulungan ng baboy at pagkatapos ay nagbabasaan kami hawak ang tig-isang hose ng tubig kabisado ko yung mga peklat ng hiwa niya sa braso at ang tato niya sa likod malapit sa balikat "BCJ=32" ang nakalagay.


SUZETTE, kosa, karantso... wala lang... naalala lang kita at nasaan ka man ngayon, magkikita uli tayo, pangako yan...

Lunes, Agosto 1, 2011

SUZETTE part 1

"Parang totoo ah hahaha! Nag-aaral ka ba talaga o pumapasok ka lang dahil sa allowance? Bungad sakin ni suzette ng di sinasadyang magkita kami sa carriedo, kalalabas ko lang noon sa PCCR. "Magpupulis ka pa? Sige nga tingnan ko nga kung makagraduate ka hahaha!"


Di ako sigurado pero parang bangag si suzette nung mga oras na yun, niyaya ko siyang kumain pero ayaw niyang pumasok sa kahit saang food chain. Niyaya niya akong maglakad sa kahabaan ng avenida, may nadaanan kaming news stand na nagtitinda rin ng nakaplastik na kanin at ulam, bumili siya at naglakad uli kami papuntang dorotheo jose, pumasok kami sa isang eskinita, nagulat ako sa dami ng tambay na nakita ko sa looban. Isang compound pala yun na may isang luma pero malaking bahay na ginawang paupahan at karamihan ng nakatira doon ay mga police character. Kabilaan ang mga nagsusugal at mga sumisinghot ng rugby. "Hindi ako dito nakatira, dito lang ako madalas tumambay kasi mababait ang mga tao dito sakin," Medyo nagulat ako ngunit ang ipinagtataka ko ay ang nakita kong respeto ng mga tao kay suzette. mistulang reyna siya na pinagsisilbihan ng mga tao sa lugar na yun na ang tingin ko ay puro halang ang mga kaluluwa. "Kakain kami, karantso ko siya sa marillac" pakilala niya sakin sa mga tao roon, ngumiti sila sakin na nginitian ko rin. Sa unahan ng isang nakaparadang sirang kotse kami kumain, may nag-abot ng pinggan at isang pitsel na may yelo, kumain kaming nakakamay at pagkatapos ay uminom ng tubig doon din mismo sa pitsel.


"Kamusta naman ang buhay laya?" tanong niya sakin, kamustahan at masayang kwentuhan, may mga sandaling biglang seseryoso ang mukha niya habang patuloy na nagsasalita, makwento si suzette pero malumanay magsalita, halatang may breeding. Habang nag-uusap kami ay nakatitig ako sa mukha niya, napakaganda at maamo ang mukha, kulay pink ang kutis niya, mahaba ang buhok na natural ang kulot, mestisa sa madaling salita. Sa kabila ng kagandahan ni suzette ay maaaninag mo sa likod ng kanyang mga mata na may nakatagong lungkot, misteryosa ang dating ng mukha niya sa sinumang makakita, hindi mo siya maririnig na magsalita kapag hindi palagay ang loob niya sa tao, titingnan ka lang niya na parang nang-aarok.


Sa loog ng halos dalawang buwan ganon kami lagi ni suzette, madalas niya akong abangan sa labas ng  school. Mahilig siya sa puting damit at long sleeve, pantakip sa mga braso niyang puno ng hiwa na akala mo eh tinadtad. Madalas akong gabihin sa pag-uwi kapag kasama ko si suzette, doon lang naman kami sa dorotheo jose laging nakatambay, nagbibisyo, minsan umiinom kami ng gin na ang pulutan ay kwentuhan. Nanibago ako ng ilang araw ko nang di nakikita si suzette sa labas ng PCCR, sinubukan kong puntahan siya sa dorotheo. Tahimik ang paligid ng dumating ako, may isang buntis na lumapit sakin at sinabing ni-raid daw ang nasabing compund at kasama si suzette sa mga nadampot. "nasa tres si suzette puntahan mo na lang dun" sabi ng babaeng buntis, padilim na kaya naisip kong umuwi na lang at kinabukasan na lang ako pupunta sa nasabing presinto.


Nagbaon ako ng maraming pagkain, dadalhin ko sana kay suzette pero wala na siya sa presinto pagdating ko, nagpyansa daw. Namukhaan ko yung isang lalaking nakatayo sa tabi ng rehas, isa siya sa mga tambay sa dorotheo, ngumiti siya sakin. Nagpaalam ako sa desk officer na kung pwedeng lumapit, iaabot ko lang ang pagkain na dala ko sana para kay suzette at pagkatapos ay lumabas na ako at dumiretso na sa school. Hindi na kami nagkita ni suzette hanggang sa nabalitaan ko na lang na kinuha siya ng seiko film para mag-artista...

Biyernes, Hulyo 22, 2011

Wala ka pala eh...

Wala kang maririnig 
sa talsik ng laway na tumatakas sa bibig
kung ibig mo talaga akong pakinggan 
bunganga mo'y iyong takpan
Wala kang makikita 
sa simpleng pagsulyap sa aking mukha
kung ibig mong tumagos sa aking bungo 
liparin ang matang lawin sa aking sentido
Wala kang maaamoy 
na kabulukang sa utak mo'y dumadaloy
kung ibig mong bango ko'y masimsim 
itapon sa malayo ang ugaling mahangin
Wala kang masasabi 
ikaw na laging iniisip ay sarili
kung ibig mo talaga akong makatalik 
tuhugin ang lupa, laktawan ang halik
Wala kang matitikman, 
hindi mo ako kilala liban sa pangalan
kung ibig mong alindog ko'y malasap 
umangkas sa pawis ng mga naghihirap.


Biningi ka ng tsismis, binulag ka ng mangmang
binalinguyngoy ka ng korap,ginawa kang pipi ng sakim
Habang dila'y pinamanhid ng iyong takot sa pagbabago
magamot kaya ng pagpapatse patse ang sarili mong nagkaletse letse?


Susme! inalipin ka ng epidemya, inutil na ang lahat mong pandama!


Wala ka pala eh...



Linggo, Hulyo 17, 2011

KA-BLOG o KA-BLAG?

4 months and 2 weeks to be exact mula ng masumpungan kong magblog, testing lang nung una, curious eh syempre. Kalokohan pa unang blog ko na ibinasura ko na dahil daming tanong na bumagabag sa isip nung mga nakabasa (yun pala mas malala sila... pwe!) Tambay tambay sa chatroll ng isang partikular na blog site. "hi, hello, kamusta na, gandang umaga, eraaaaaaa" ganyan ang kadalasang eksena. TAE! hanggang dun lang pala yun...


Sa blog kung papasok kang mag-isa, lalabas ka ding mag-isa, ganun yun eh, wag ka na mag-expect, asa ka pa eh bat di ka mag-aral makipagplastikan tanga! Although ang blog ay isang outlet ng lahat ng uri ng pakiramdam, pwede kang magmura, pwede kang tumae, pwede kang dumura, pwede kang suminga, pwede kang magmahal, pwede kang magsalsal, pwede ka ring 
maging hangal, pwede kang sumigaw, pwede kang pumalahaw, pwede kang sumayaw at yun ang importante, kailangan mong sayawan ang mga tugtog nila at mahalagang marunong kang sumayaw dahil kung hindi... BLAG! sa kangkungan ka pupulutin...


Wag kang magmadali sa lahat ng aspeto, wag kang pasilaw sa dami ng comment, sa dami ng naglike, sa dami ng visitor. Step by step yan eh at bago ka makarating sa gusto mong puntahan para kang kotseng mapa-flatan, buti kung ganon lang... eh kung sumalpok ka? ligwak, laglag, diretso ka sa bangin ng sentimyento, bwenas mo pag may isa o dalawa na mag-aabot ng kamay sayo, kung meron pahalagahan mo, ingat lang baka ma-envelope ka panibagong expectation na naman yun.


Tutal naman ikaw ang hari ng site mo,gawin mo lahat ng gusto mo, tumuwad ka, magtumbling ka, mag-blog ka ng mag-blog hanggang sa mangarag ka. Dedma na lang sa mga negative reaction ng iba, sagabal sa pag-unlad yan. Dire-diretso lang, panatiliin mo lang na bukas ang isip mo, di mo naman sila kilala at di rin naman nila alam ang totoo kung ano ka at kung sino ka. Lagi mo lang tatandaan na hindi lahat ng KA-BLOG ay KA-BLAG, makakasumpong ka rin... era. 

Linggo, Hulyo 10, 2011

Kasiyahan sa rurok ng tagumpay

"TAGUMPAY" ang salitang madalas gamitin upang mailarawan ang katuparan, pero ang totoo mahirap hanapin ang tunay na kahulugan nito.


Isang kaibigan mula sa hukbong sandatahan ang aking nakakwentuhan minsan, sabi niya "Ako ay masaya sapagkat bago ako dumating sa kalagitnaan ng aking buhay ay nakapagpatayo na ako ng bahay at may matatag na hanapbuhay, bukod pa sa aking maliit na negosyo kung kaya medyo nakakaluwag kami sa buhay at higit sa lahat masaya ang aking pamilya. Para sakin ito ay isa ng malaking tagumpay." 


Wika naman nung magbobote na pumipik-ap sa tuwing may kalakal ako dito sa bahay nang tanungin ko siya kung ano para sa kanya ang tagumpay, "Mam kuntento na kami ng pamilya ko sa simpleng buhay, nakakakain kami ng tatlong beses isang araw, malulusog at nakakapag-aral ang mga anak ko at higit sa lahat masaya kami, para sakin yun ay isa ng simpleng tagumpay".


Kanya kanyang opinyon at paglalarawan ng tagumpay sa magkaibang lebel ng buhay.


Ngunit ang tagumpay ay nagpapahiwatig ng pakikibaka o pakikipagbuno laban sa iba't ibang pwersa at kapag nalampasan mo ang mga pwersang ito na humahadlang sa mithiin mo ay maaari ka na tawaging matagumpay. At para maging matagumpay, dapat pangarapin mo ang isang bagay at magsumikap para makamit ito. 


Napakaraming mukha  ng tagumpay.... 


Ang isang artista kapag nakatanggap ng best acting award, siya ay tagumpay.  


Ang isang pulis kapag nakahuli ng kriminal, siya ay tagumpay.


Ang pagtatalik na nakarating sa climax, sila ay tagumpay
( o di ba tagumpay yun? )


Ang mga writer o blogger na kahit hindi premyado ngunit mayaman sa idea, sila ay tagumpay


Magkaiba naman ang tagumpay at swerte, tulad na lamang ng mga nananalo sa lotto, sila ay maswerte...


Sa kabila ng pagsasabing para maging matagumpay ay kailangang sagana sa mga materyal na bagay ay nagkakamali sila, dahil lahat yan ay di mo naman madadala sa hukay. 


Masasabi kong hindi ako tagumpay sa pinakapayak at masalimuot na depenisyon ng salita, pero hindi ako nagugutom. Hindi man madalas ay nagagawa ko ang mga bagay na gusto kong gawin. Sapat na sa akin na nakakabili ako ng mga bagay na gusto kong bilhin , nakakabayad ako ng mga monthly bills sa takdang oras. Hindi ko naman pinangarap na yumaman na tulad ng mga Zobel at Ayala. Hindi ko rin naman maituturing na tagumpay yun. 


Para sa akin, kung sa palagay mo ay natapos mong lahat ang iyong mga gawain at responsibilidad at sa tingin mo'y handa ka ng harapin ang paglubog ng araw sa iyong buhay ng may ngiti sa labi, yun ang tunay na "TAGUMPAY"   


Huwebes, Hulyo 7, 2011

Minsan may isang saudi boy...

Kay bilis ng panahon, tatlong taon na mula ng makilala kita. Ayaw sana kita kilalanin pero makulit ka, mula ng ibinigay sayo ng kaibigan natin ang cp number ko hindi mo na ko tinantanan, kahit oras ng trabaho kapag nalingat ang amo mong arabo tatawag ka. Madalas kasarapan ng tulog ko mang-iistorbo ka, hindi mo na inisip na alas dos ng madaling araw dito habang alas diyes naman ng gabi dyan sa kinalalagyan mo. Nuknukan ka ng kulit, kahit minumura na kita ok lang sayo parang musika pa nga sa pandinig mo kapag naiinis ako tuwang tuwa ka pa. Kapag sumasapit ang biyernes maaga pa lang nasa net ka na inaabangan moko mag-online dahil nakasara cp ko, sinasadya kong wag buksan dahil nakukulitan ako sayo. Ang lakas pa ng loob mo na invite ako sa cam hindi ka naman kagwapuhan, kahit hindi ako magsuklay lagi mong sinasabi ang ganda ganda ko na tanging nanay ko lang ang nagsasabi, ngayon dalawa na kayo. Di naman kita mapatayan ng computer kasi kapapadala mo lang sakin ng package, laman ang mga paborito kong lagi mong tinatanong noon, hindi ka pa nasiyahan nag-open ka pa ng account para sakin. Hindi kita magawang iwasan dahil ang bait bait mo, na hindi ko maintindihan kung bakit mo ginagawa sakin ang mga ganong bagay eh hindi ka naman nanliligaw. Sa tuwing kausap kita ang madalas mo lang sinasabi ay "kamusta ka", "kumain ka na ba", "mag-iingat ka lagi era" hindi ko alam kung ano motibo mo. Ayoko isiping mahal moko kasi walong taon ang tanda ko sayo, kinikilabutan ako tuwing maiisip ko na may relasyon tayo. O baka naman sa isip ko lang yun, baka malisyosa lang ako masyado, baka naman ate lang ang turing mo sakin...

Tatlong araw bago magpasko dumating ka dito sa bahay namin, habang naiilang ako ikaw naman ay kampanteng magpaikot-ikot sa sala namin, hindi kita kinakausap kasi hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko sayo, nagulat kasi ako sa biglang pagdating mo. Nakipagkwentuhan ka sa nanay ko habang niluluto ko ang dala mong ulam na binili mo sa palengke bago ka nagpunta dito. Tahimik lang ako at nakikiramdam sayo, paminsan minsan sumasagot sa mga tanong mo. Nung makaluto na ako ay kumain na tayo, nakakamay ka lang na parang walang pakialam sa mundo. habang tuwang tuwa ang nanay ko sa mga kilos mo ay nag-iisip ako... ano ba talaga meron kami ng lalaking ito?

Bisperas ng pasko dumating ka uli, ang dami dami mong dala, "pang-noche buena" sabi mo. Labag sa loob kong kunin pero andito ka na at pinaiiral mo na naman ang kakulitan mo. Bago mag-alas dose umalis ka at bumalik na naman kinabukasan, ganon lang lagi, aalis at darating ka na hindi malinaw sakin kung ano meron tayo kasi parang ordinaryo lang pakikipag-usap mo sakin, walang something... December 29,2009 bumalik ka sa jeddah, dyan ka na din nagcelebrate ng new year sa piling ng mga dating kasama sa trabaho, after that, busy ka na uli hanggang minsan nabasa ko sa fb mo may nagmessage sayo, "hi daddy" eka nung message, tinanong kita sa text kung sino yun, sagot mo "ay era asawa ko yun, sorry hindi ko nasabi agad sayo...." Nawindang ako, anlabo ng putangna!!!

Miyerkules, Hulyo 6, 2011

LIBERTY

Kalayaan... yan ang palagi kong hangad sa buhay, ang magsalita ng malaya, kumilos ng malaya, mamuhay ng malaya at magmahal ng malaya. Nang walang pupuna, walang magagalit, walang tatanggi at walang magtatanong, pero imposible... Hindi ko pag-aari ang mundo, wala akong kapasidad na gawin ang lahat ng  yun, maliban na lamang sa imahinasyon o sa panaginip, doon ay malaya kong magagawa ang lahat. Mahirap mang tanggapin, mas masarap pa ring mamuhay sa reyalidad, bumagsak ka man hindi ka masyadong masasaktan sapagkat alam mo na ang iyong kahahantungan, depende na lamang yan sa pagtanggap mo at ng mga taong nakapaligid sayo... sentimyento ko lamang yan pero hindi yan ang topic ko wehehehe :p


Si Liberty po ay tao, magandang babae, may pusong mapagmahal at tulad ko ring ang hanap ay kalayaan, na kaya pinangalanang liberty ay dahil bumibertdey tuwing sasapit ang ika-12 ng hunyo. Dating kaeskwela nung uso pa ang nutribun  at katropa nung uso pa ang kending kulangot at tira-tira. Napadpad sa bansang Kuwait, namuhay ng walang kalayaan, nagmahal ng walang hangganan. Ngunit sadyang mapagtiis, pinagpala ng diyos at nabiyayaan ng yaman, dagdagan pa ng isang anak na bukod sa maganda at matalino ay mabait pa. Every year ay umuuwi sila ng pinas upang namnamin ang karapatang maging malaya. Gimik dito gimik dun, gala dito gala doon, halos libutin ang pinas kapag may pagkakataon. With matching mini skirt o kaya short na maong. kumpara sa kuwait na mistulang suman na nakabalot sa loob ng isang taon. Makikita mo sa mga mata niya ang kasiyahan, mararamdaman mo ang kalayaan, Walang pagkukunwari, walang yabang sa katawan, umulan bumagyo hindi ka iiwanan...
Sa katapusan ng buwan ay muli na naman siyang babalik sa bansang pinanggalingan, magmimistula na namang suman, de numero na naman ang kalayaan. Don't worry kaibigan habang may next year ay laging mananatili ang iyong KALAYAAN....